Ang hibík ay karaniwang nangangahulugan ng malakas na pagdaing upang manghingi ng awa, at maggiit ng isang apela.


Gayunman, ang hibík ay isang uri ng tula na nagpapahayag ng naturang mga layunin at naging popular sa panahon ng kolonyalismong Espanyol. May nagsasabing isang metamorposis ito ng sinaunang tagulaylay ng mga Tagalog. Ngunit waring isang natural na pahayag itong isisilang sa gitna ng sikil na katwiran noong panahon ng pananakop. Sa pamamagitan ng mapagpahiwatig na pagtangis ay nailalabas ng makata ang kaniyang malungkot na pag-iral sa ilalim ng mapanikil na gobyerno.


Kinasangkapan ang anyong ito para sa subersibong layunin ng mga Propagandista at Katipunero sa panahon ng pagkilos na mapagpalaya. Isang hibik na sagutan ang ipinakalat nina Hermenegildo Flores at Marcelo H. del Pilar upang ipaalam sa madla ang malaganap na abuso sa ilalim ng mga Espanyol.


Unang tumula si H. Flores sa “Hibik ng Filipinas sa Inang España” (1888) upang kunwa’y isang anak ang Filipinas na nasusumbong sa ina (ang Espanya). Sinagot ito ni M. H. del Pilar sa “ Sagot ng España sa Hibik ng Filipinas” (1889) upang palabasin na hindi alam ng inang Espanya ang nangyayari sa Filipinas at kagagawan ang lahat ng mga totoong abusadong mga fraile. Ikinatwiran din ni M.H. del Pilar na lubhang maraming problema ang ina kayâ hindi makatulong sa anak. Nakatimo sa dalawang hibik ang kabuoang mithiin ng Kilusang Propaganda.


Pumasok sa sagutan si Andres Bonifacio sa pamamagitan ng “Katapusang Hibik ng Filipinas,” ipinalalagay na sinulat noong 1896. Ang tula ay hitik na sa poot laban sa inang Espanya dahil isang pabayâng ina. Tahasang tinuligsa ni Bonifacio ang pamamalakad ng Espanya sa kolonya. Dito malinaw na naiiba ang adhikang himagsikan ng Katipunan sapagkat sinasabi ng hibik na nakahanda namang pumatay at mamatay ang Anak ng Bayan upang makamit ang ganap na kalayaan.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr