Sino si Fabian de la Rosa?


Mahusay na pintor si Fabian de la Rosa (Fab·yán de la Ró·sa) at unang direktor na Filipino ng UP School of Fine Arts (1927-1928). Nakalikha siya ng mahigit sa 1,000 obra sa buong buhay niya bilang pintor. Kabílang sa mga kilalang obra niya ang Transplanting Rice, Marikina Road, at Fishermen’s Hut.


Isinilang siya sa Paco, Maynila noong 5 Mayo 1869 at ikalawang anak nina Marcos de la Rosa at Gregoria Cueto. Una niyang guro sa sining sa gulang na 10 taon ang kaniyang tiya na si Mariana de la Rosa.


Nagaral siya sa Escuela de Bellas Artes y Dibujo at nagtungo sa Europa para doon magpakadalubhasa. Nakapagtanghal siya ng mga obra sa Ateneo de Madrid.


Napangasawa niya si Gorgonia Tolentino ngunit hindi nagkaanak. Namatay siya sa sakít sa atay noong 14 Disyembre 1937 sa Quiapo, Maynila. Ginawaran si de la Rosa ng Lungsod Maynila ng gawad na Patnubay ng Sining at Kalinangan noong 1968.


Sang-ayon sa kritikong si Aurelio S. Alvero, may tatlong yugto ang pagunlad ng sining ni de la Rosa: pang-akademya, pagtuon sa atmospera, at pagtuon sa kulay.


Kasama sa unang yugto ang Transplanting Rice na nagwagi ng unang gantimpala at The Death of General Lawton na nagwagi ng gantimpalang bronse sa International Exposition of St. Louis (1904) sa Missouri. Kasama sa ikalawang yugto ang mga obrang El kundiman, 1930 at Marikina Road. Kasama naman sa ikatlong yugto ang Fishermen’s Hut na pumapaksa sa tanawin ng Isla Balut, Tundo. Ilan pa sa mga obra niyá ang Landscape With Dark Trees, 1927; La pintura, 1926; La bordadora, ca 1926; at View of Sta. Ana.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: