Ang Dinagyang ay isang prestihiyosong selebrasyon sa Lungsod Iloilo na ginaganap tuwing ikatlong linggo ng Enero.


Ang pistang ay pagdiriwang at paggunita ng pagdating ng mga Malayo sa isla ng Panay. Itinuturing din itong isang pagdiriwang ng mga Kristiyano sa Iloilo bilang pasalamat sa Mahal na Senyor Santo Niño.


Nagsimula ang selebrasyon ng Dinagyang noong 1968 nang dinala ng Cofradia del Santo Niño de Cebu ang imahen ng Santo Niño na pinangungunahan ni Padre Sulpicio Enderez.


Ang Santo Niño ay iniregalo sa Parokyang San Jose at para sa mga deboto ng santo. Bilang pasasalamat ng mga parokyano ng Santo Niño, nagsimula ang pagdiriwang ng Dinagyang sa simpleng selebrasyon sa loob ng simbahan. Parte ng selebrasyon ang pagbibigay ng nobena sa senyor.


Sa ngayon, ang selebrasyon ng Dinagyang Festival ay pinagdiriwang ng mga Ilonggo sa makabagong estilo, ngunit nanatili pa rin ang mga pangunahing layunin kung paano ito sinimulang noon ng mga katutubo.


Ang selebrasyon ay mayroong tatlong bahagi; Ang Ati-Ati Competition, Kasadyahan Street Dancing, at Search for Miss Dinagyang.


Ang Ati-Ati competition sa kasalukuyan ang dinudumog ng mga tao at turista. Halos lahat ng sektor at antas ng mga Ilonggo ay sumusuporta sa bawat tribu.


Ang mga tribu ay nagpapakita kung paano nila bigyan ng respeto at pagpapahalaga ang kulturang Ilonggo. May sari-saring disenyo ang mga katawan, kulay itim o kulay kape, may magarbong palamuti ang mga damit na gawa sa katutubong materyales, at may magandang koryograpi ang mga sayaw.


Ang prusisyon ng Santo Niño sa Ilog Iloilo ay dinadagsa din ng mga deboto at turista. Mula sa simbahan, ang mga sumasali sa prusisyon ay may dalang iba-ibang imahen ng senyor patungong ilog. Pagkatapos ng prusisyon, nagsisimula ang Kasadyahan, na may teatrikal na palabas hinggil sa pagdating ng imahen sa lugar at pagpapakilala ng Kristiyanismo sa mga Ati.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: