Crisanto delos Reyes
Matalinong negosyante at isa sa mga isinangkot sa Pag-aalsa sa Cavite noong 1872, ipinanganak si Crisanto delos Reyes (Kri·sán·to delos Ré·yes) noong 25 Oktubre 1828 sa Quiapo, Maynila kina Gregorio delos Reyes, isang mariwasang abogado, at Dominga Mendoza, kapuwa may dugong Tsino. Bata pa siya nang maulila at lumaki sa mga tagapag-ingat ng yaman ng pamilya.
Maaga siyang nahilig sa negosyo. Nagsimula siyang tenedor de libros at ang kinita ay pinuhunan sa negosyo ng mga sirang bakal. Pagkuwan, nakapag-ari niya ng lupain sa Binondo at pinatayuan ng bodega. Naging kandelero o tagasuplay siya ng mga kailangan sa barko at bago mag-1872 ay pinakamalaking kandelero sa pantalan at lalawigan ng Cavite. Hinawakan din niya ang negosyo ng mga kapatid. Isa sa negosyo niya ang katas ng ilang-ilang na iniluluwas sa Pransiya. Nag-ari din siya ng isang pabrika ng tabako sa Kalye Alix (Legarda ngayon), Sampaloc, Maynila.
Gayunman, ayaw niya ang pang-aapi at kaya hindi niya gusto ang pananakop ng mga Espanyol. Isa siya sa unang sumapi sa Masoneriya, masugid na nag-ambag sa mga paring sekular, at marahil, kahit sa suweldo ng mga kawawang sundalo sa Cavite.
Noong 1850, ikinasal siya kay Dorotea at nagkaroon ng apat na anak. Nang idawit siya sa Pag-aalsa sa Cavite noong 15 Pebrero 1872, si Dorotea ang namahala ng kaniyang negosyo.
Ikinulong muna siya sa Bilibid at saka ipinatapon sa Espanya noong 18 Pebrero kasama ang apat pang Filipino. Mula Cadiz, ibinilanggo sila sa Cartagena, Morocco. Dahil sa kaguluhan noong 1874 sa mga canton ng Espanya, nakatakas sina Crisanto at nakarating sa Marseilles, Pransiya. Binuhay muli dito ni Crisanto ang negosyong katulad sa Cavite. Limang taon siya doon bago umuwi sa Filipinas.
Namatay si Dorotea noong 1888 at namatay din si Crisanto noong 4 Hulyo 1895.
Nang sumiklab ang Himagsikang 1896, kasama ang pangalan ni Crisanto sa listahan ng mga dadakpin bílang tagatustos sa Katipunan. Nang sadyain siya ng mga sundalo sa bahay ay noon lamang nila nalamang patay na siya. Hindi nakaligtas ang kaibigan niyang si Inocencio at ang kaniyang abogadong si Numeriano Adriano.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Crisanto delos Reyes "