Karaniwang kasangkapan ang tabo sa banyo, kusina, o batalan ng tahanang Filipino. Ang totoo, napakaraming Filipino ang mamomroblema kapag walang tabo. Ginagamit ito sa pag-iipon at paglilipat ng tubig, paghuhugas, paliligo, pagdidilig ng halaman, at siyempre, paglilinis ng sarili matapos dumumi.


Karaniwan ngayong isang sisidlan itong may puluhan, yari sa plastik, at may laking mabubuhat nang madalî sa isang kamay. Ngunit isang sinaunang kasangkapan ito at báo ng niyog, bumbong ng kawayan, o malaking talukab ang ginagamit na tabo noon.


Ang di-karaniwang pagmamahal sa tabo ay ipinahayag ni Lope K. Santos sa isa niyáng tula:

Aanhin ang sarong ginto

Na nakatutuyo ng dugo;

Mahanga ang sarong tabò,

Nakasasariwa ng puso.


Sinasabing ang paggamit ng tabo bilang tatak ng kalinisan ay dulot ng pagkakaroon ng malalaking pamayanan sa panahon ng kolonyalismo. Naging problema ang sanitasyon at pagtatapon ng dumi. Dahil sa malimit na pagkalat ng kolera, disenterya, malarya, at ibang peste ay puspusan ang ginawang kampanya ng mga Amerikano tungkol sa kalusugan at sanitasyon.


Malaking bahagi ng kampanya ang malinis na kubeta at wastong paghuhugas ng ari at mga kamay pagkatapos dumumi. Sa kabila ng sinasabing makabagong “kulturang de-papel” (gaya ng napkin at toilet paper) ay de-tubig pa rin ang paglilinis ng maraming Filipino. Hahanap at hahanap pa rin silá ng tabo bago maupô sa inidoro.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: