Ang moriones (mor·yó·nes) ay isang paraan ng pagdiriwang tuwing Mahal na Araw sa Marinduque.


Ang moryones ay mga lalaki at babae na nakasuot ng maskara’t helmet at damit na katulad ng mga sundalong Romano noong panahon ni Kristo.


Bilang dula, ang moryones ay isang komedya hinggil sa paghahanap, pagdakip, at pagpugot ng ulo kay Longhíno. Buong linggo ng Mahal na Araw, ang moryones ay pumaparada paikot-ikot sa poblasyon upang kunwa’y hanapin siyá.


Si Longhino ay isang Romanong centurion na bulag ang isang mata. Ayon sa alamat, sinibat ni Longhino ang tagiliran ni Hesus hábang nakapakò sa Krus.


Ang dugo mula sa tagiliran ni Hesus ay tumalsik sa kaniyang bulág na matá at naibalik nitó ang kaniyang paningin.


Pinaniniwalaan din na dahil dito’y nagbago ang pananaw ni Longhino bilang isang Romano at naging Kristiyano. Tuwing Linggo ng Pagkabúhay, isinasadula sa mga bayan ng Boac, Gasan, Santa Cruz, Buenavista, at Mogpog sa Marinduque ang pagpugot sa ulo ni Longhino.


Ang morion ay tawag sa helmet na may mataas na palamuting balahibo ng mga sundalong Europeo noong ika-16 siglo.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: