Ano ang Masoneriya?


Ang Masoneriya ay isang pandaigdigang samahan ng mga intelektuwal at may malayang kaisipan para sa kapatiran at pagtutulungan.


Hindi tiyak ang lugar na pinagmulan nito ngunit tinatayang lumitaw sa siglo 16 hanggang 17. May kani-kaniyang pangasiwaan ang bawat kapatiran na tinatawag na Grand Lodge o Orients. Binubuo ang bawat isa ng mga independiyenteng lohiya at gumamit ng mga lihim na seremonya at senyas.


Ginamit ang salitang lohiya dahil ang kadalasang lugar ng pagpupulong ng mga miyembro ay mga bahay na ginagawang pansamantalang tirahan. Kinikilála ng mga Grand Lodge ang bawat isa ayon sa mohon o lugar na pinanggalingan. Sa kasalukuyan, laganap na ito sa buong mundo at mayroong humigit-kumulang anim na milyong miyembro.


Noong 1856, itinatag ng kapitang Espanyol na si Jose Malcampo Monje ang unang Masoneriya sa Pilipinas na tinawag na Primera Luz Filipina sa ilalim ng proteksiyon ng Gran Oriente Luisitano. Tanging mga Espanyol ang maaaring maging kasapi nitó. Kinalaunan, nagkaroon na rin ng iba pang lohiya sa ilalim ng pamumunò ng mga Ingles at Aleman.


Mahalaga ang Masoneriya sa paglaganap ng kaisipang liberal sa hanay ng mga mariwasa’t edukadong Filipino. Pinaniniwalaang itinatag ni Graciano Lopez-Jaena ang Logia Revolución, ang unang masoneriyang Filipino sa Barcelona sa Espanya na sinusuportahan ng Grande Oriente Español. Ito ang panahon na laganap ang pagtakas ng mga Filipino papuntang Espanya para makaligtas mula sa persekusyon at gayundin, dahil layuning magpalaganap ng panlipunan at politikal na reporma para sa bansa.


Bukod kay Lopez Jaena, ilan sa mga naging kasapi nitó sina Mariano Ponce, Galicano Apacible, Jose Ma Panganiban, Antonio Luna at Marcelo del Pilar. Ang pagkakatatag ng Logia Revolución ang naging daan para mabuo ang mga sumunod na Masoneriyang Filipino.


Isang Mason si Andres Bonifacio at ang iba pang unang kasapi ng Katipunan. Maraming Mason ang ikinulong sa suspetsang kalahok sa Katipunan pagkatapos sumiklab ang Himagsikang 1896.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr