Ano ang masjid?


Ang masjíd, may varyant na masyid sa Magindanaw, ay isang salitâng Arabe na nangangahulugang pook ng pagsamba.


Mula sa Pranses ay tinawag itong mosque (mosk) sa Ingles. Ito ang bahay dalanginan ng mga Muslim o ang “bahay na pinahintulutan ni Allah upang maitayô at maparangalan doon ang Kaniyang ngalan.” Kinikilala ito bilang natatanging simbolo ng Islam.


Ang unang masjid ay itinayô sa Mecca, sa lugar na pumapalibot sa Kaaba, ang pinakabanal na lugar ng mga Muslim. Ngunit ang modelo ng pinakaunang masjid ay nagmula sa patyo ng bahay ng Propetang Mohammed sa Medina, na itinayô noong 622 AD.


Ilang taon matapos ang kamatayan ni Mohammed, naging importanteng simbolo ito at palatandaan na hawak ng mga mananakop na Muslim ang isang pook. Ang mga masjíd noon ay simple lámang ang estruktura ngunit nang lumaon ay naging mas malaki at nadagdagan ang mga bahagi nito, kabilang ang minbar at mihrab.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: