Idu’l Adha
Ang Idu’l Adha ay nangyayari sa loob ng apat na araw sa ikasampung araw ng Dhu al-Hijjah, ang hulíng buwan sa Hijra (ang kalendaryong Islam) at ang buwan na nakatalaga para sa Hajji (banal na paglalakbay).
Ang Eid al-Adha at ang Eid al-Fitr ang dalawang Eid ng mga Muslim.
Sa Koran, ang salitang “Eid” ay nangangahulugang “banal at tahimik na pagdiriwang.” Ang baryasyong Idul Adha o Iduladha ay nag-ugat sa Malay at Indones na mga wika.
Apat na libong taon na ang nakakaraan, inutusan ng Diyos si Abraham na dalhin ang kaniyang asawang si Hagar at anak na Ishmael sa disyerto ng Mecca. Mainit at tuyong-tuyo ang lugar na ito kaya hindi maaaring paglagian ng tao. Naintindihan ng asawa ang ginawang sakripisyo ni Abraham dahil sa kaniyang pananalig sa Diyos.
Naiwan ang mag-ina sa disyerto at naubusan ng pagkain at tubig. Sa pagdadasal ni Hagar, isang bukal ng tubig ang nagsalba sa kanilang buhay at sa iba pang manlalakbay. Sa bukal na ito, tinawag na Zamzam, nagsimulang maging magandang lungsod ng pangangalakal ang Mecca.
Isa pang sakripisyong hinihingi ng Diyos kay Abraham ay ang kanyang unang anak. Sa kabila ng tukso ni Satanas, kumapit siya sa kaniyang paniniwala at sumunod sa ipinag-uutos. Bahagi ng Hajji ang paghahagis ng bato sa mga haligi bilang tanda ng ginawang pagwawaksi ni Abraham kay Satanas. Nakita ng Diyos ang buong-pusong pagsunod ng propeta at ang buong-pusong pag-aalay ni Ishmael ng kaniyang sarili. Isang tupa ang namagitan bilang alay sa oras na papaslangin na dapat ng ama ang anak.
Sa Pilipinas, idineklara bilang araw ng pangilin ang Idu’l Adha sa taontaon. Dahil hindi permanente sa kalendaryo, ang Pambansang Komisyon sa mga Filipinong Muslim ang nagtatalaga ng araw alinsunod sa Hijra.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
No Comment to " Idu’l Adha "