Sino si Manuel Estabillo Arguilla?


Isang pangunahing kuwentista sa Ingles si Manuel Estabillo Arguilla (Man·wél Es·ta·bíl·yo Ar·gíl·ya). Nakilala siya sa kaniyang mga maikling kuwento na nalimbag sa iba’t ibang magasin, tinipon sa koleksiyong How My Brother Leon Brought Home a Wife and Other Stories (1940), at nagwagi ng unang gantimpala sa kategoryang maikling kuwento sa Ingles sa Commonwealth Literary Contest.


Itinuturing na pinakamahalaga sa mga kuwento niya ang “How My Brother Leon Brought Home a Wife,” “Midsummer,” “Long Vacation,” at “Caps and Lower Case.”


Walang ulat sa tiyak na araw ng kaniyang pagsilang at kamatayan. Isinilang si Arguilla noong 1911 sa La Union at anak ng magsasaka at karpinterong si Crisanto Arguilla at ni Margarita Estabillo. Nagsilbing tagpuan ng mga tanawing Ilokano ang kaniyang bayan sa mga hinahangaang kuwento niya ng katutubong kulay. Mistulang impiyerno naman ang pagtatanghal niya ng maralita sa lungsod sa “Caps and Lower Case.”


Nagtapos siya ng Edukasyon sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1933. Habang nag-aaral ay naging kasapi siya ng U.P. Writers Club at editor ng The Literary Apprentice.


Nagturo siya sa University of Manila at naglingkod na editor ng publikasyon ng Bureau of Public Welfare noong 1943.


Naging asawa niya si Lydia Villanueva na isa ring manunulat. Ang kanilang tirahan sa Ermita, Manila ay tinaguriang “The Porch” dahil nagsilbing tagpuan ng mga artist, manunulat, at patron ng panitikan.


Sa panahon ng Pananakop ng mga Hapones ay kumilos siyang espiya ng mga gerilya, nadakip noong Oktubre 1944, pinarusahan sa Fuerza Santiago, at hindi na nakitang buhay.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: