Si Ceferino Garcia (Ce·fe·rí·no Gar·sí·ya) ang kaisa-isang Filipinong naging kampeong pandaigdig sa middleweight at kinikilalang imbentor ng “bolo punch.”


Isinilang siya noong 26 Agosto 1906 sa Naval, Biliran at panganay na anim na anak nina Fortunato Garcia at Pascuala Pieras. “Cipriano Garcia” ang tunay niyang pangalan. Tipiko siyang anak mahirap, hindi nakapag-aral, umalis ng bayan upang makipagsapalaran, at pinalad sa pagboboksing.


Kinatatakutan na si Predo, palayaw niya, sa boksing nang umalis ng Naval at naghanap ng trabaho sa Lungsod Cebu. Ipinakilala siya ng isang panadero sa isang promoter ng boksing. Nagsimula siyang sumikat na boksingero noong 1936 sa Cebu, lumipat sa Maynila, at naglakbay sa Estados Unidos.


Nakuha niya ang korona sa pandaigdigang middleweight noong 2 Oktubre 1939 at tatlong ulit itong ipinagtanggol bago natalo kay Ken Overlin sa puntos. Sa buong karera niya, natalo lámang siya sa 28 ng kaniyang 142 laban at umiskor ng 67 knockout.


Isa siya sa itinuturing na pinakamalakas sumuntok na boksingero. Kinikilala siyang manlilikha ng tinawag na “suntok bolo” (“bolo punch”), bagaman may nagsasabing una itong ginamit ng isang Filipinong boksingero, si Macario Flores, noong 1924. Ang suntok bolo ay isang mabilis na uppercut. Nang tanungin kung paano niya natututuhan ang suntok bolo, sinabi ni Predo na bunga iyon ng pagtabas niya ng tubo noong kabataan sa Pilipinas.


Namatay si Predo noong 1 Enero 1981 sa San Diego, California. Bago ito, nahirang siya sa Ring Boxing Hall of Fame noong 1977. Noong 1989, ibinilang siya sa World Boxing Hall of Fame.


Pinagmulan: NCCA official | Flickr


Mungkahing Basahin: