Ang buho ay isang uri ng kawayan na manipis ang balat. Mula ito sa pamilyang Poaceae o tinatawag na true grasses; at sa genus na Schizostachyum na kinabibilangan ng matataas at tila palumpong na kawayan.


Ang species na Schizostachyum lumampao o buho ay nagkukumpol na kawayan. Tumataas ito ng 10-15 m, 8 sm ang diyametro, at may kapal na 4-10mm ang balat. Ang biyas nitó ay kulay berde at makinis na may 25-80 sm ang habà. May palapa ito na 24-26 sm ang haba at nababalot ng madidilaw at matutulis na búlo.


Katutubo ito sa Filipinas at laganap sa mga probinsiya ng Abra, Pangasinan, La Union, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Leyte, Panay, at Basilan. Sapagkat manipis, tinitilad ito, pinatutuyo, at nilalang sawalì.


Yari sa sawaling buho ang mga unang sisidlan ng aning butil, gaya ng mátong. Ginagawa din itong sala-sala at ginagamit na dingding, lalo sa kusina ng bahay, upang may dulot ng liwanag at sariwang hangin. Ang buo pang puno ng buho ay ginagawang talubsok na pambakod o balag ng gulay.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: