Ang bugaong ay kabilang sa pamilya Teraponidae. Ito ay kilala rin sa tawag na gagaong o babansi. Matatagpuan ito sa baybayin, tubig tabang at alat sa kanlurang Indo-Pasipiko. Karamihan sa mga espesye ay matatagpuan lang sa tubig tabang.


Ang katawan ng bugaong ay pabilog at bahagyang dapa. Ang likod na palikpik ay may 11-13 tinik. May tatlong tinik ang palikpik sa puwit. Ang palikpik sa buntot ay pabilog at may 15 sanga. Ang linya sa gilid ng katawan ay tuloy-tuloy hanggang palikpik sa buntot. Ang pinakamahabàng naitala ay 80 sentimetro. Kalimitang kinakain nito ay maliliit na isda at insekto.


May anim na uri ng bugaong ang naitala sa Pilipinas. Ito ay ang Terapon jarbua, Terapon theraps, Leiopotherapon plumbeus, Pelates quadrilineatus, Terapon puta, at Helotes sexlineatus.


Ang Terapon jarbua ay matatagpuan sa mababaw at mabuhanging parte ng bukana ng ilog. Ang karaniwang laki ay 25 sentimetro at ang pinakamahabàng naitala ay 36 sentimetro. Ang itaas ng katawan ay kulay kayumangi at dilaw samantalang ang ibaba ay kulay krema.


Ang batok ay maitim. Ang ulo, katawan, at palikpik ay may iba’t ibang makikintab na kulay. May 3-4 na kurbadong linya na kulay matingkad na kayumanggi mula batok hanggang sa dulo ng katawan.


Ang pinakaibaba ng kurbadong linya ay umaabot hanggang sa kalagitnaan ng palikpik sa buntot. Lumalangoy ito nang magkakasáma. Nangingitlog sa dagat at ang maliliit na bugaong ay naglalakbay patungong tubig tabang. Ang mga itlog ay binabantayan ng lalaki.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: