Si Banna ay bayani ng Ullalim, epikong-bayan ng mga Kalinga.


Ang Ullalim ay karaniwang kinakanta sa gabi tuwing may mahalagang okasyong katulad ng pista o pulong ang mga Kalinga. Ang mga ullalim, sa pangkalahatan, ay nagsasalaysay ng katapangan ng mga mandirigmang Kalinga at ang kuwento ng pag-ibig ng bayani sa kaniyang napupusuang dalaga na tinatawag na “mandiga.”


Maraming bersiyon o bahagi ang Ullalim. Ang isa ay umiikot sa pagtatagpo ng mag-asawang Dinanaw at Dulliyaw, mga magulang ni Banna.


Ang isa naman ay tungkol sa pag-iibigan nina Banna at Laggunawa. Sa unang kuwento na nagmula sa katimugang bahagi ng Kalinga, naging sentro ang buwa o bungang ginagamit sa nganga na bahagi na ng pamumuhay ng mga Igorot. Ang pagnguya ng nganga ay isang sinaunang tradisyon sa Cordillera. Sa naturang kuwento, nakatakda na sanang ikasal sina Dulaw ng Cagayan at si Ya-u nang nahulog sa pang-aakit ni Dulliyaw ng Dulawon ang taga Cagayan.


Sa isang pagsasalusalo sa bayan ng Madogyaya, pinainom ni Dulliyaw si Ya-u hanggang malasing ang lalaking karibal. Niyaya ni Dulliyaw si Dulaw ng nganga na tinanggap naman ng dalaga at dito sinabi ni Dulliyaw na ang pagtanggap sa buwa ay pagtanggap na rin sa inaalok niyang kasal.


Nang sumunod na gabi, sinabi ni Dulliyaw na itatanan na niya ang dalaga at iuuwi sa bayan niyang Dulawon. Sa pagtilaok ng manok, nakapatay si Dulliyaw ng isang mandirigmang humamon sa kaniya. Ipinatawag ni Ya-u ang mga mandirigmang Espanyol ng Sakbawan at dinakip nila sina Dulliyaw at Dulaw.


Sa tatlong taong pagkakakulong, humingi si Dulaw ng nganga kay Dulliyaw. Ibinigay naman ito ng binata ngunit agad ding naglaho nang iniabot sa dalaga.


Sa bayan ng Magobya, bigla namang nagpakita ang nganga kay Dinanaw, isang mayamang dalaga. Ito rin ang nganga na iaabot dapat ni Dulliyaw kay Dulaw.


Sa pagsusubo nito, nabuntis si Dinanaw at ipinanganak si Banna. Sa paglaki ni Banna, napadpad siya sa Sakbawan at pinatay si Dulaw. Dito nalaman ng nakakulong na si Dulliyaw na si Banna ay kanyang anak.


Magkasamang umuwi sa Magobya ang mag-ama. Katulad ng pagbibigayan ng nganga ng dalawang nakatakdang ikasal, nag-abot ng nganga si Dulliyaw kay Dinanaw.


Pinagmulan: NCCA official | Flickr


Mungkahing Basahin: