Ano ang gadya?
Mas kilala ito sa tawag na elepante.
Tatlo lang ang uri ng gadyang kinikilala sa kasalukuyan: ang African Bush Elephant (Loxodonta Africana) at African Forest Elephant (Loxodonta cyclotis) na parehong matatagpuan sa Aprika; at ang Asian Elephant (Elephas maximus) na nabubuhay lamang sa katimugang bahagi ng Asia, mula sa India hanggang Borneo.
Gayunman, mayroong mga pag-aaral na nagsasabing may isa pang hiwalay na uri ng gadya na matatagpuan naman sa kanlurang Aprika.
Sa Asia, tanyag na simbolo ng karunungan ang mga gadya. Kinikilala ang mga ito dahil sa umano’y taglay na talas ng memorya at talino ng mga ito na itinutumbas sa antas ng kaisipan ng mga lumba-lumba at ibang primate.
Bagaman walang natural na predator ang malalaki nang gadya, nanganganib pa ring malipol ang mga ito. Bukod sa unti-unting pagkaubos ng mga gubat na tirahan, mabilis ang pagbaba ng populasyon ng mga gadya dahil sa ilegal na panghuhuli at pagpaslang. Ibinebenta kasi ang garing mula sa mga nakausling pangil ng elepante.
Dito sa Pilipinas ay nabuhay rin ang mga sinaunang uri ng gadya. Sa Lambak Cagayan sa Hilagang Luzon, halimbawa, ay may nahukay na fossilized molars o bagang ng Elephas sp. at Stegodon.
Ayon sa mga pagaaral, ang mga ito ay umiral 750,000 taon na ang nakararaan o sa panahon pa ng Pleistocene. Ang mga elephas lalo na ang stegodon ay may mas malalaking bungo at mas mahahabang pangil na mistulang sungay kaysa mga kasalukuyang uri ng gadya.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Ano ang gadya? "