Kagwang
Sa Pilipinas lámang ito matatagpuan, lalo na sa Bohol at rehiyon ng Mindanao. Kahit na tinatawag na flying lemur, hindi ito nakakalipad at hindi ito isang lemur. Ang lemur ay isang uri ng unggoy na endemic o matatagpuan lámang sa Madagascar at Comoro.
Tumitimbang ang kagwáng ng 1.0-1.7 kilo at may 14-17 pulgada ang habà. Malapad ang ulo nitó, maliliit ang tainga, at malalaki ang mga matá. Mahahabà ang kuko nitó at malalapad ang talampakan kayâ mabilis nakaaakyat sa mga punongkahoy.
Halos isang piye ang habà ng buntot na nakakabit sa unahang mga paa sa pamamagitan ng isang lamad (membrane) na tinatawag na patagium. Gamit ng kagwáng ang lamad na ito upang makausad nang malayò, mga 100 metro o higit pa, sa paghahanap ng pagkain at sa pag-iwas sa mga maninilà.
Matatalas ang ngipin ng kagwang subalit ang pagkain nito ay prutas, bulaklak, at maliliit na dahon. Nokturnal ito. Tumitigil ito sa mga guwang ng punongkahoy o nakakapit sa mayayabong na sanga kung araw.
Ang babaeng kagwang ay isa lamang kung manganak at dalawang buwan ang tagal ng pagbubuntis. Alagain at laging nakadikit ang sanggol na kagwang sa dakong tiyan ng ina nitó na may bahaging parang bulsa.
Itinuturing na salot ito dahil kumakain ng prutas at mga bulaklak kayâ hinahanting ng tao. Kinakain ang karne ng kagwang at itinuturing na isang espesyal na pagkain. Nagdeklara ang International Union for Conservation of Nature (IUCN) na nanganganib itong species dahil sa pagkasira ng tirahan sa kagubatan.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing: Basahin
No Comment to " Kagwang "