Ang Rio Grande de Mindanao, o Ilog Mindanao (Min•da•náw) ang pinakamalaking ilog sa isla ng Mindanao at ikalawang pinakamalaking sistemang ilog sa buong Pilipinas, pagkatapos ng Ilog Cagayan sa Luzon.


May haba itong 373 km, at ang river basin nito ay may lawak na 23,169 km². Nagsisimula ang Rio Grande de Mindanao bilang Ilog Pulangi sa bayan ng Impasug-ong sa Bukidnon, sa timog ng Lungsod Gingoog sa Misamis Oriental. Aagos ito patimog sa kalakhan ng Talampas ng Bukidnon at daraan sa karamihan ng mga bayan ng lalawigan. Lalawak ito sa mga kapatagan ng Cotabato bago bumuhos sa Look Illana sa Lungsod Cotabato.


Ilan sa mga sangay nito ang mga ilog Bobonawan, Manupali, Maradugao, Muleta, Sawaga, at Tigwa.


Ilan sa mga pangunahing bayan sa pampang ng ilog ang mga lungsod ng Cotabato, Kidapawan, Koronadal, Malaybalay, at Valencia.


Mahalaga ang ilog bilang paraan ng transportasyon ng mga produktong agrikultural at mga troso. Dito rin matatagpuan ang Dikeng Pulangi, na kilala rin bilang Pulangi IV Hydroelectric Plant. Ang artipisyal na lawang naiipon ng dike ay tinatawag na Lawang Pulangi o Maramag Basin at ginagamit bilang irigasyon, maiinom na tubig, at upang makalikha ng koryente.


Sangkapat ng pangangailangan ng buong Mindanao sa koryente ang tinutustusan ng Dikeng Pulangi.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: