Angelo T. Omiping, LPT
ANGELO T. OMIPING, LPT
FORMER 4PS BENEFICIARY
PANGANIBAN, CATANDUANES
Maging estudyante tuwing may pasok at magsasaka sa bukid kapag wala? O kaya't tumira sa bukid na ang tanging proteksyon laban sa lamig ng gabi at paminsan-minsang ulan ay isang trapal?
Ito ang mga pagsubok na hinarap at napagtagumpayan ni Angelo T. Omiping mula sa bayan ng Panganiban sa probinsiya ng Catanduanes.
Kwento ni Angelo, matagal na niyang pangarap na makapagtapos at maging guro, ngunit dahil sa kahirapan, tila unti-unting nawawala ang pag-asa niyang maisakatuparan ito. Ayon sa kanya, kahit araw at gabi nagta-trabaho ang kanilang mga magulang, nahirapan pa rin silang matugunan ang pangangailangan ng pamilya. Umabot nga sa puntong ang buong pamilya ay tumira na sa bukid, kung saan ang tanging proteksyon nila mula sa malamig na gabi at ulan ay trapal lamang.
Kaya naman, isang malaking biyaya para kay Angelo ang maging bahagi ng 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office V - Bicol Region. Aminado si Angelo na mahirap pa rin at kapos ang buhay, ngunit sa tulong ng programang ito, nakapagtapos siya sa mataas na paaralan. Dahil dito, mas naniwala siyang may pag-asa at may pagkakataon sa tulong ng 4Ps.
Pagdating sa kolehiyo, ang patuloy na suporta mula sa 4Ps ang nagsalba kay Angelo sa mga gastusin. Aminado siya na ang programang ito ang nagtulak sa kanya upang magsikap at maniwalang sa pamamagitan ng edukasyon, makakaahon sila sa kahirapan.
Nakapagtapos na si Angelo ng kursong Bachelor of Elementary Education nang may mataas na marka at bilang Cum Laude. At noong 2023, nakapasa na rin siya sa licensure exam para maging isang guro, na may mataas na rating na 91.80 – isang bagay na kanyang ipinagmamalaki, pati na rin ng kanyang pamilya at ng kanilang bayan. Sa katunayan, ipinagmalaki pa siya ng kanilang bayan sa social media bilang isang inspirasyon ng pagsusumikap at tagumpay.
No Comment to " Angelo T. Omiping, LPT "