Ano ang hemophilia?


Ang hemophilia ay isang pambihirang sakit na namamana na nagdudulot ng sobrang pagdurugo tuwing may sugat sa katawan dahil sa kawalan ng kakayahan nitong mapigilan ang pagdurugo o blood clotting.


Ang mga taong may hemophilia ay may dugong mababa ang mga lebel ng factor VIII (8) o factor IX (9), na mga protinang kailangan para mag-clot ang dugo. Ang pagkakaroon ng hemophilia kapag matanda na ay di pangkaraniwan.


Ang hemophilia ay kadalasan namamana simula pagkapanganak at nakukuha sa mga magulang na meron nito o nagdadala ng genes na nagdudulot nito. Ang mga pagbabagong genetiko o genetic mutations ay kadalasang matatagpuan sa X chromosome ng tao.


Anu-ano ang mga uri ng hemophilia?


Ang sakit na ito ay may dalawang uri depende sa kung anong factor ang kulang sa dugo.

  1. Ang Hemophilia A o Classic Hemophilia ay dulot ng mababang lebel ng factor VIII sa dugo. Samantala,
  2. Ang Hemophilia B o Christmas Disease ay dulot ng mababang lebel ng factor IX sa dugo.


Anu-ano ang mga sintomas ng hemophilia?


Ang mga sintomas ng hemophilia ay depende sa lebel ng clotting factors sa dugo. Ito ay maaaring maging banayad hanggang katamtaman lamang katulad ng

  1. madaling pagkabukol,
  2. matagalang pagdurugo tuwing nagkakasugat nang hindi malala o tuwing nagpapadentista,
  3. pagdurugo tuwing nagpapabakuna,
  4. malakas na pagdaloy ng menstruation, at
  5. madalas at mahirap na mapigilan na nosebleed.


Ang mga malalang sintomas ng hemophilia naman ay karaniwang nauuwi sa biglaang pagdurugo sa loob ng katawan.


Paano sinusuri kung ikaw ay may hemophilia?


May mga maaaring gawing pagsusuri sa dugo para malaman kung ikaw ay may hemophilia:

  1. Clotting factor test,
  2. Complete blood count (CBC),
  3. Activated Partial Thromboplastin Time (APTT) Test, at
  4. Fibrinogen Test. 


Maaari ring magkaroon ng iba pang blood test upang ma-diagnose ang hemophilia.


Paano ginagamot ang hemophilia?


Ang paggamot sa hemophilia ay nakadepende sa pagkaseryoso ng mga nararamdamang sintomas, ngunit ito ay karaniwang may kinalaman sa pagpigil sa pagdurugo at sa pag-infuse ng mga kinakailangan na clotting factors. May ibang gamot na maaaring ireseta katulad ng emicizumab, desmopressin acetate, at epsilon amino caproic acid, subalit ito ay ibinibigay lamang sa rekomendasyon ng iyong doktor.


Pinagmulan: Department of Health | @DOHgovph


Mungkahing Basahin: