Unang Edisyon ng Pahayagang Sakdal


Inilathala ang unang edisyon ng pahayagang sakdal


Sa araw na ito, Oktubre 13, noong 1930, inilabas ang mga kopya ng unang edisyon ng pahayagang “Sakdal“, apat na buwan matapos itong itatag ng punong editor ng naturang pahayagan at manunulat na si Benigno Ramos.


Hinalaw ni Ramos ang “Sakdal” sa sulatin ng mamamahayag na Pranses na si Emile Zola na “J’Accuse”, at hindi gaya ng opisyal na peryodiko ng Kilusang Propaganda sa panahon ng Espanyol na La Solidaridad na hangad lang ay reporma sa Pilipinas at gawing probinsya ng Espanya ang ating bansa, separatismo at ganap na kalayaan mula sa Amerika ang layunin ng Sakdal ni Ramos, na may motto na “Malaya, Walang Ibang Panginoon kundi ang Bayan”.


Hindi lang ang mga imperyalistang Amerikano ang inatake ni Ramos sa kanyang peryodiko, kundi maging ang mga itinuturing niyang collaborator, traydor at oportunistang sina Manuel Luis Quezon, Manuel Roxas at Sergio OsmeƱa, Sr., dahil aniya’y hindi naging tapat ang mga ito sa kanilang layuning mapalaya ang Pilipinas mula sa Amerika.


Nagkakahalaga noon ng 2.50 piso ang isang kopya ng Sakdal, at bukod sa mga maaanghang na tirada ni Ramos kina Quezon at sa mga Amerikano, naging canvas rin ito ni Ramos ng kanyang mga akdang pampanitikan gaya ng mga tula, na may temang sumasalamin sa karaingan ng mga karaniwang mamamayan, lalo na ng mga magsasaka, at ang bokal na paghingi ng reporma sa lupa at pantay na karapatan para sa mga mahihirap.


Napalaki ng peryodikong Sakdal ang bilang ng mga Sakdalista mula Gitna hanggang sa Katimugang Luzon, at sinasabing nakakakalat pa umano ang isang kopya ng Sakdal hanggang sa sampung kamay. Natumbok kasi ni Ramos ang sintimyento ng masa, lalo na ang mga walang boses at inaaping mahihirap.


Isang manunulat na taga-Bulacan si Benigno Ramos, na dating kaalyado ni Manuel Luis Quezon, pero tumalikod siya rito dahil sa isang isyu kaugnay ng diskriminasyon ng Amerikanong guro sa mga Pilipinong estudyante.


Naging isang pulitikal na partido ang Sakdal ni Ramos, at nagkaroon pa ng representasyon sa Philippine Assembly, hanggang nasangkot ang Sakdal sa isang pag-aalsa laban sa pamahalaang Amerikano, at brutal na sinupil noong Mayo 1935.


Naipagbawal ang Sakdal at nagsilikas ang mga miyembro nito sa iba’t ibang lugar, partikular na si Ramos na tumakas papuntang Japan.


Sanggunian:
• The Kahimyang Project (n.d.). Today in Philippine history October 13, 1930, Benigno Ramos released a printed newspaper called “Sakdal”. https://kahimyang.com/kauswagan/articles/1309/today-in-philippine-history-october-13-1930-benigno-ramos-released-a-printed-newspaper-called-sakdal