Tau Gamma Phi Fraternity
Itinatag ito noong 1968 sa main campus ng University of the Philippines (UP) sa Diliman, lungsod ng Quezon ng anim na mga student leaders ng UP College of Arts and Sciences.
Ginamit ng mga unang miyembro nito ang tatlong titik na Griyego na Tau (Τ), Gamma (Γ) at Phi (Φ), na kalauna’y naging tatak na rin sa kanilang organisasyon.
Isa rin sa naging tatak ng nasabing fraternity ang triskelion, o triskeles (tatlong paa sa wikang Griyego), na bukod sa sumisimbolo rin sa Santisima Trinidad, ay sumisimbolo rin ng pag-unlad at paghuhubog sa aspektong mental at ispiritwal ng isang tao.
Noong panahon ng Batas Militar, naging target ang Tau Gamma Phi o Triskelions ng panggigipit ng militar, sa paniniwalang ginagawa itong instrumento ng mga makakaliwang grupong kumakalaban sa rehimeng Marcos.
Taong 1975 nang tinanggap na rin nila ang mga kabataan na maging miyembro nito, nang binuo naman ang “Junior Tau Gamma Phi” o Junior Triskelions sa San Beda College-High School.
Mayroon itong motto na, “A Triskelion firmly believes in the power of reason, not in the use of force as reason”, at kumikilos ang mga miyembro nito sa ilalim ng tatlong pangunahin o cardinal na prinsipyo; Fortis Voluntas, Fraternitas (Strength, Freewill and Brotherhood).
Hinihikayat ng Tau Gamma Phi Fraternity o Triskelions ang mga miyembro nito na makilahok sa mga aktibidad na makakatulong sa lipunan at paunlarin ang kanilang ispiritwal na pagkatao, at gamitin ang kanilang mga abilidad para sa kabutihan ng kanilang kapwa. Isa ang Triskelions sa mga organisasyong lumalahok at nag-oorganisa ng mga humanitarian activities, gaya ng paglingap sa mga nangangailangan at mga mahihirap at sa pagpapaaral sa mga iskolar na kanilang ka-miyembro.
Pero gaya ng mga ibang fraternities sa Pilipinas, makailang-beses nang nasangkot ang mga miyembro ng Triskelions sa mga insidente ng marahas na hazing sa mga neophytes o mga bagong miyembro nito, na kadalasang nauuwi sa pagkamatay ng ilang mga neophytes, kahit na umiiral ang batas na nagbabawal sa paggamit ng hazing sa mga fraternity groups sa Pilipinas, ayon sa Republic Act no. 8049. Ito ay kahit na mahigpit ring ipinagbabawal sa Triskelions ang paggamit ng anumang uri ng dahas sa kahit sinong miyembro o kahit hindi nila ka-miyembro, ayon na rin sa kanilang fraternity motto na “Primus Nil Nocere” o First, Do Not Harm.
Sa kasalukuyan, apat sa orihinal na anim na founders ng Triskelions ang nanatiling buhay pang miyembro nito na tinatawag na The Four Founding Fathers; sina
- Rodolfo “Rod” Sta. Maria Confesor,
- Roy Alolor Ordinario,
- Talek Hamias Pablo, at
- Vedasto “Tito” Sario Venida.
Aabot sa mahigit 2.5 milyong katao ang mga rehistradong kasapi ng Triskelions, na mula sa mahigit 7,000 chapters nito sa buong Pilipinas, siyam na rehiyonal na konseho sa Estados Unidos, tigtatalong chapters sa Saudi Arabia at Italya, tig-dalawang chapters sa Qatar, Espanya, United Kingdom at Laos, at tig-iisang chapters sa Australia, Bahrain, Brunei Darussalam, Canada, Germany, Greece, Guam, Hong Kong, Iran, Iraq, Israel, Japan, Jordan, Kuwait, Libya, New Zealand, Maldives, Norway, Oman, Singapore, South Korea, Switzerland, Taiwan, Thailand, Vanuatu at United Arab Emirates.
Sanggunian:
• Geronimo, J. Y. (2014, July 4). Fast facts: get to know Tau Gamma Phi. Rappler. https://www.rappler.com/newsbreak/iq/fast-facts-tau-gamma-phi
• Tau Gamma Phi/Sigma Triskelion 68/69 (2018, July 26). History of Tau Gamma Phi. [Post caption]. Facebook. https://m.facebook.com/triskelionstor/posts/356891781511008
• Wikipedia (n.d.). Tau Gamma Phi. https://en.m.wikipedia.org/wiki/Tau_Gamma_Phi
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Tau Gamma Phi Fraternity "