Kailan itinatag ang Civil Service Commission?
Itinatag ang Civil Service Commission noong Setyembre 19, 1900.
Ngayong araw (Setyembre 19, 2021) ang ika-121 taong kaarawan ng isa sa tatlong mga constitutional commissions ng ating Republika na Civil Service Commission (CSC). Unang binuo ang CSC o dating Civil Service Board sa bisa ng Act no. 5 na pinagtibay ng Second Philippine Commission. Sa ilalim ng batas na ito, binuo ang Civil Service Board, na binubuo ng Chairman, Kalihim at Chief Examiner. Sila ang nakatoka sa paggawa ng mga pamantayang dapat sundin ng isang kawani ng pamahalan at nagbibigay ng mga eksaminasyon sa mga nais maglingkod sa pamahalaan.
Kabilang ang Civil Service Bureau sa mga constitutional commissions sa Konstitusyon ng 1935, na pinalawig ang mga mandato nito, kung saan ipinatupad ang merit system bilang batayan ng pagtanggap ng isang aplikante para maging kawani. May hurisdiksyon rin ang Civil Service Bureau sa mga institusyon ng tatlong sangay ng pamahalaan. Taong 1959 nang muling inorganisa ang Civil Service Bureau, na naging Civil Service Commission, sa bisa ng Republic Act 2260, at sa bisa ng Presidental Decree no. 807 ay inorganisa ang Civil Service Commission bilang central personnel agency ng pamahalaan. Itinakda naman sa Artikulo IX-B ng Konstitusyon ng 1987 ang mga pangunahing mandato ng CSC, na nagkabisa rin sa pamamagitan ng Book V ng Executive Order 292 (1987 Adminstrative Code). Kinikilala nito ang karapatan ng mga empleyado, at binigyang-diin ang mga umiiral na polisiya at patakaran ng pamahalaan sa pangangasiwa ng burukrasya.
Isang constitutional commission ang Civil Service Commission, kung saan tungkulin nito na magpatupad ng mga polisiya at mga programang may kaugnayan sa mga kawaning sibil at mga naglilingkod na empleyado ng pamahalaan. Ito rin ang nagpapatupad ng mga pamantayang dapat sundin ng bawat mga empleyado, upang masiguro ang de-kalidad na pagbibigay ng isang kawani ng mga serbisyo ng pamahalaan sa mga tao. At upang matiyak ang kapabilidad ng isang aplikante bilang isang de-kalidad na kawani, nagbibigay ang CSC ng iba’t ibang mga uri ng eksaminasyon.
Matatagpuan sa Constitution Hills sa lungsod ng Quezon ang pangunahing tanggapan ng CSC, at mayroon itong 16 na mga regional office sa buong Pilipinas. Si Alicia dela Rosa-Bala ang kasalukuyang Chairperson ng CSC.
Sanggunian:
• Civil Service Commission (n.d.). Historical highlights. http://ncr.csc.gov.ph/slider/85-about-the-csc/372-historicalhighlights.html
• Wikipedia (n.d.). Civil Service Commission (Philippines). https://en.m.wikipedia.org/wiki/Civil_Service_Commission_(Philippines)
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Kailan itinatag ang Civil Service Commission? "