Ang itinuturing na pinakagila-gilalas na tulay na ipinatayô noong panahon ng Espanyol ay ang mataas na Puente de Malagonlong (Pu·wén·te de Ma·la·gon·lóng) sa Tayabas, Quezon.inimulang itayô ito noong 1841 sa pangunguna ni Fray Antonio Matheus, OFM, at natapos noong 1850 sa panahon ni Gobernadorsilyo Don Julian S. Francisco. Itinayô sa pamamagitan ng adobeng masoneriya, may limáng nakaarkong paa at may taas na 12 metro sa ibabaw ng Ilog Dumacan. Ang tulay ay may habàng 35-40 metro at itinuturing na pinamakataas at pinakamahabà sa mga nabubúhay pang tulay na kolonyal.


Sinunod sa Puente de Malagonlong ang paraan ng konstruksiyon sa panahong iyon. Sinusuhayan ito ng tatlong malaking piyer, bawat isa’y may sukat na siyam na metro ang habà at apat na metro ang lapad, na protektado pa ng matibay na mga starling na isang metro ang lapad para labanan ang malakas na daloy ng ilog. Patulis ang hilaga ng mga piyer para hawiin ang takbo ng tubig at sapad ang kabilâng panig. Makitid lámang ang daanan ng tulay, apat na metro lámang, ngunit matagal na nagsilbi itong pang-ugnay ng Tayabas sa baybaying bayan ng Pagbilao.


Isang bagong tulay ang itinayô mga 40 metro ang layò sa Puente de Malagonlong at iyon na ang ginagamit sa higit na mabigat na trapiko ng kasalukuyang panahon. Nagsisilbi ngayon ang Puente de Malagonlong na pasyalan upang manood sa rumagasang Ilog Dumacan o tumanaw sa misteryosong Bundok Banahaw.


Mungkahing Basahin: