Proseso ng enrollment para sa darating na pasukan
Ngayong New Normal, paano nga ba ang proseso ng enrollment para sa darating na pasukan? Basahin ang ilang paalala upang maging handa sa pagsisimula ng enrollment sa Lunes!
Hanggang kailan ang period ng enrollment ngayong SY 2020-2021?
Ang enrollment para sa School Year 2020-2021 ay magbubukas sa Hunyo 1 at magtatapos sa Hunyo 30. Ito ay karugtong na lamang ng Early Registration noong Enero.
Paano ang magiging sistema ng enrollment? Face-to-face rin ba?
Hindi kinakailangang pisikal na magtungo ang mga magulang at mag-aaral sa paaralan para sa enrollment ngayong taon. Upang patuloy na mapairal ang Social Distancing at ang health standard na rekomendasyon ng DOH at IATF, ipatutupad ng Kagawaran ang Remote Enrollment.
Para sa mga Grade 1-12 na mag-aaral:
Ang mga magulang ng mga papasok na Grade 1 to 12 learners ay tatawagan ng kanilang adviser ng nakaraang taon para sa “remote” enrollment. Gayunpaman, maaari ring ang magulang/tagapangalaga ang tatawag o kokontak sa adviser, sa pamamagitan ng mga numerong nilaan ng paaralan para sa enrollment procedures.
Para sa mga papasok ng kindergarten:
Maaaring makipag-ugnayan ang magulang ng mga papasok ng kindergarten sa kanilang napiling paaralan para sa kanilang mga anak sa pamamagitan ng mga nilaang numero o website ng paaralan para sa enrollment procedures nito.
Para sa mga lilipat na mag-aaral:
Maaaring direktang makipag-ugnayan ang magulang ng lilipat na mag-aaral sa eskwelahang nais lipatan gamit ang mga contact details ng paaralang lilipatan.
Para sa mga Balik-Aral enrollees:
Tulad ng mga transferees, maaaring direktang makipag-ugnayan ang mga Balik-Aral enrollees sa eskwelahang napiling lipatan. Ang lilipatang eskwelahan ay ang siyang magtatala ng kanilang impormasyon at datos.
Para sa mga ALS enrollees:
Maaaring mag-enroll ang mga mag-aaral sa ilalim ng ALS program sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan online o pisikal sa paaralan o sa mga barangay na mayroong Community Learning Centers (CLCs). ALS Form 2 ang gagamitin dito batay sa DepEd Order No. 58, s. 2017. Maaari itong ma-access online at mayroon ding mga printed na kopya.
Tatanggap po ba ang mga paaralan ng late enrollees?
Ang mga paaralan ay maaring tumanggap ng mga late enrollees kung ang estudyante ay nakapasok sa 80% sa nakatakdang school days sa bawat school year at sa mga kinakailangang pamantayan upang pumasa sa bawat grade level. Maaari ding gamitin ng mga school heads ang kanilang sariling desisyon sa kung tatanggapin o hindi ang mag-aaral at magsasagawa ng mga aktibidad upang makahabol ang nasabing estudyante.
Pwede pa rin bang magpasa ng application para sa SHS voucher program?
Maari pa ring magpasa ng application sa ilalim ng SHS Voucher Program kung ikaw ay kwalipikado sa nga nakaatas na pamantayan. Kung nais na mag-apply sa programang ito, maaring ipasa ng application Private Education Committee National Secretariat (PEAC NS) sa pamamagitan ng Online Voucher Application Portal o maaari ding magsadya sa opisina ng PEAN NS kung manual naman ang isasagawang aplikasyon. Dagdag pa rito, ang mga estudyanteng nakatatanggap ng voucher program ay hindi na kinakailangang mag-apply muli sa kadahilanang automatiko na muli silang makakatanggap ng subsidiya mula sa departamento.
Paano ang pagpapasa ng mga documentary requirements para sa enrollment?
Dahil sa kasalukuyang sitwasyon pang kalusugan, ang palugit sa pag papasa o pagsusumite ng mga documentary requirements sa enrollment ay ipagpapaliban muna hanggang Disyembre 2020. Ito ay ipapatupad pareho sa pampubliko at pribadong paaralan.
Pinagmulan: PIA Gitnang Luzon via Department of Education | https://www.deped.gov.ph/obe-be/
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Proseso ng enrollment para sa darating na pasukan "