Victorio Edades Edades
Kinilalang Pambansang Alagad ng Sining sa Pintura si Victorio Edades Edades (Vik·tór·yo E·dá·des E·dá·des) noong 1976. Tinagurian siyang “Ama ng Modernong Pintura” sa Filipinas dahil sa pagpapakilala niya ng modernismo sa larangan ng sining sa bansa.
Naging malaking impluwensiya kay Edades ang kaguluhang pansining sa Estados Unidos at Europa na pinangunahan nina Cezanne, Gauguin, Renoir, Matisse, Picasso, Duchamp, at ng iba pang surealista at dadaista.
Makikita sa mga likhang Edades ang mga sinirang hugis ng katawan ng tao, magaspang at makapal na guhit at hagod, at matingkad subalit madidilim na kulay.
Ang kaniyang unang eksibisyon noong 1928 ay sinalubong ng pagkagulat at pagkasuklam ng mga taong nasanay sa likha ni Amorsolo. Walang nabenta sa eksibit na ang The Sketch (pinamagatan ding The Artist and His Model), The Builders, Salmon Cannery Worker, My Sweetheart, The Negro Football Player, The American Meztisa, The Market, at Mother and Daughter ay itinuturing ngayong mga pambansang yaman.
Taong 1934 nang gumawa siya ng isang mural para sa lobby ng Capitol Theater sa Escolta. Pinamagatang The Rising Philippines ang naturang mural na kinomisyon ni Juan Nakpil. Kinuha ni Edades si Carlos “Botong” Francisco bilang katuwang at ipinakilala naman ni Francisco si Galo B. Ocampo.
Kalaunan, ang tatlo ay kinilala bilang unang triunvirato ng modernong sining sa Filipinas at mga tagapasimuno sa pagpapasigla ng pinturang mural sa bansa. Ang tatlo rin ang tumuligsa sa tinutukoy ni Edades na idealismo ng mga konserbatibo at ayaw ng pagbabago. Ang tunggaliang konserbatibo-modernista ay tumagal hanggang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Sina Edades, Ocampo at Diosdado Lorenzo ay nagtayo ng Atelier of Modern Art noong 1937. Nagbigay ng mga pagsasanay ang Atelier na siya ring nagluwal ng Thirteen Moderns. Lalong pinatibay ang modernismo sa larangan ng sining sa pagkakatatag ng Art Association of the Philippines (AAP) noong 1948 at Philippine Art Gallery (PAG) noong 1951.
Isinilang si Edades sa Dagupan, Pangasinan kina Hilario Edades at Cecilia Edades. Ikinasal siya kay Jean Garrot, isang Amerikano na nagturo ng Ingles at drama sa Unibersidad ng Pilipinas. Nag-aral siya sa University of Washington, Seattle ng Arkitektura at Fine Arts. Nagtrabaho rin siya sa isang cannery ng salmon sa Alaska. Pagbalik sa Filipinas, nagturo siya sa Mapua Institute of Technology at UST.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Victorio Edades Edades "