Si Carlos Quirino (Kár·los Ki·rí·no) ay isang iskolar at historyador. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikang Pangkasaysayan noong 1997. Ang panitikang pangkasaysayan ay idinagdag na larangan sa parangal na Pambansang Alagad ng Sining noong 1997 sa ilalim ng Pangulong Fidel Ramos at si Quirino ang unang ginawaran ng naturang pagkilala.


Unang naging bantog ang pangalang Carlos Lozada Quirino bílang manunulat ng talambuhay ni Pangulong Manuel L. Quezon sa Quezon Man of Destiny noong 1935. May-akda ng maraming sanaysay at talambuhay, mga aklat niya ang Lives of the Philippine Presidents (1952), Magsaysay of the Philippines (1958), Maps and Views of Old Manila (1971), The History of Philippine Sugar Industry (1974), Filipinos at War: The Fight for Freedom from Mactan to EDSA (1981), at Who’s Who in Philippine History (1995). Natatangi rin at umani ng papuri ang kaniyang aklat na Philippine Cartography.


Nagsilbi siyang direktor ng National Library noong 1961 sa panahon ni Pangulong Diosdado Macapagal. Tagapagtatag siya, curator, at direktor ng Ayala Archives (Ayala Musuem ngayon).


Isinilang noong 14 Enero 1910, si Quirino ay supling ng doktor na si Jose A. Quirino, isang nangungunang gynecologist, at ni Dolores Lozada, apo ni Ramon Lozada na nagmula sa Espanya.


Nagtapos siya ng hay-iskul sa De la Salle at kursong Batsilyer sa Sining sa Peryodismo sa University of Wisconsin. Tatlong beses siyang ikinasal. Una kay Peggy Dawson, isang Amerikana, ikalawa kay Nena Bowen, at pinakahuli kay Liesl Commans, isang mestisang Aleman-Espanyol. Ang kasal sa kanilang tatlo ay nagbunga ng anim na anak: sina Cory, Carlitos, Cecil, Denden, Caloy, at Ritchie.


Pumanaw siya noong 20 Mayo 1999.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr