Union Obrera Democratica
Unang balak ng mga empleado ng imprenta na magtatag ng Union de Litografos e Impresores ngunit nakumbinse sila ni si Isabelo delos Reyes na bumuo ng isang pederasyon na maaaring salihan ng iba pang unyon ng manggagawa. Naatasan din si Hermenegildo Cruz, na naging kalihim ng UOD, na isulat ang saligang-batas at ang mga patakaran ng pederasyon.
Mahigit sa 300 manggagawa kagaya ng mga trabahador sa pabrika, karpintero at kargador ang dumalo sa unang Kongreso ng UOD. Naging hangarin ng nasabing grupo na isulong ang karapatan ng lahat ng manggagawa para magkaroon ng maayos at ligtas na kondisyon sa mga paggawaan at makamit ang karampatang pasahod.
Noong 7 Mayo 1902 ay inapela ng UOD sa mga awtoridad ang pagbalangkas ng patakaran ukol sa takdang oras ng trabaho sa isang araw at sa tamang edad ng isang trabahador. Pagsapit ng Hulyo, nagkaroon ng sunod-sunod na pagwewelga na nagpahinto sa operasyon ng maraming pabrika at korporasyon sa Kamaynilaan.
Natigil ito bilang isang organisasyon noong 29 May 1903 dahil sa kawalan ng pondo. Ngunit naging matagumpay ang UOD sa pagpapataas ng sahod ng humigit-kumulang sa 6,000 manggagawa at maaaring naimpluwensiyahan nito ang pagtatatag ng higit sa 100 kinikilalang unyon sa Filipinas sampung taon matapos itong magsara. Patunay lamang ito na napakahalaga nito sa pag-unlad ng kilusang manggagawa sa bansa.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Union Obrera Democratica "