Sa sunod-sunod na pagdalaw ng mga peryodista, mga pari na nanghihikayat magretraksiyon na siya, at ng ilang piling kaanak, abalang-abala ang hulíng 24 oras ni Jose Rizal sa mundo.


Napakahigpit ng bantay at isa-isa lamang ang puwedeng pumasok sa kulungan. Pero binigyan si Rizal ng pluma at papel upang makasulat.


Isa-isa niyang sinulatan ang mga magulang, mga kapatid, at ang kaibigang si Ferdinand Blumentritt. Sinulatan niya rin ng inskripsiyon sa Ingles ang librong ibinigay niya sa kaniyang kasuyo nang dalawang taon.


Aniya, “To my dear and unhappy wife, Josephine. December 30 1896. Jose Rizal.” Sa kaniyang kapatid na si Trinidad, inihabilin niya ang lamparilyang de-alkohol na gamit niya sa selda, sabay singit sa wikang Ingles upang hindi maintindihan ng mga guwardiya, “There is something inside.”


Isang pirasong papel, masinsing ibinalumbon, ang isiningit ni Rizal sa puwang para sa mitsa ng lampara. Doon niya pinagkasiyang isulat kamay ang isang tula na walang pamagat.


May tig-5 linya ang bawat isa sa 14 nitong saknong. Sa pagtulang Espanyol, ginamit niya ang saknungang quintilla na may sukat na alejandrino at may tugmang dalawahan (abaab).


Nakasaad sa tula ang kaniyang hulíng paalam. Bagama’t nasusulat sa wikang Espanyol, hinding-hindi ang mga naghaharing Espanyol ang pinatutungkulan ng tula. Inialay niya ang hulí niyang tula sa kaniyang mga kababayan, mga kababata, mga minamahal sa buhay, at higit sa lahat, sa ating inang bayan.


Lumilitaw ding madaliang iginawa ng mga kopya ang tula. Isa ang nakarating kay Mariano Ponce sa Hong Kong at inilathala noong Enero 1897 sa pamagat na “Mi ultimo pensamiento.” Noong 25 Setyembre 1898, naglabas ng parangal kay Rizal ang La Independencia at muling inilathala ang tula sa pamagat na “Ultimo Adios.” Noong ding araw na bitayin si Rizal ay isang kopya ang napasakamay ni Andres Bonifacio at isinalin niya ito sa Tagalog, ang unang salin ng dakilang tula ni Rizal.


Sa ngayon, naisalin na ito sa mga pangunahing wika ng Filipinas at ng mundo. May mga salin ito sa wikang Filipino ng iba’t ibang makata, mula kay Jose Corazon de Jesus, Pascual Poblete, Guillermo Tolentino, at Mario I. Miclat.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr