On
Kasabihan ang “husto sa rekado” kapag kompleto sa anumang pangangailangan ang isang usapan, pagdiriwang, o kahit talumpati ng panauhing pandangal. Nagmula ang hambingan sa putaheng kompleto sa sangkap na pampalasa o rekado (mula sa Espanyol na recado).


Sang-ayon sa kasaysayan, paghahanap ng rekado ang isa sa mga motibo ng paglalakbay sa Silangan ng mga kongkistador mulang Europa. Nahaling diumano ang mga Europeo sa mga pinatuyong sangkap mulang Asia na iniuwi ng mga krusero bukod sa mga biyaherong nakarating hanggang India at Tsina.


Hindi laging maaasahan ang mga karabana ng mga merkaderong tumatawid ng disyerto’t mapanganib na lupain. Sa gayon, ginamit ng mga kongkistador ang umunlad na agham ng nabegasyon upang maghanap ng bagong ruta. Naghahanap ng gayong ruta si Hernando Magallanes nang aksidenteng masadlak sa kapuluan ng Filipinas.


Sinundan siya ng iba pang manlalakbay na Espanyol hanggang maitatag ni Miguel Lopez de Legazpi ang kolonyang Espanyol na Maynila ang sentro.


Pangunahing rekado mulang mga pulo ng Moluccas, na tinawag tuloy “Mga Isla ng Rekado,” ang pinulbos na balat ng punong kanela (Cinnamomum zeylanicum), pinatuyong bulaklak ng punong klabo ( Syzygium aromaticum syn. Eugenia aromatica), buto ng laging-lungting nuéz moskáda o nutmeg (Myristica fragrans), gayundin ang bawang, paminta, at luya.


Ang maganda, dinala naman ng mga Espanyol ang kanilang lawrel at oregano na paboritong sangkap sa kanilang adobo. Siyempre, doble-doble na ngayon ang mga sangkap na dahon at pulbos sa modernong kusinang Filipino.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr