Larong Dama
Ang dama ay kilala bilang “Filipino Checkers” na nilalaro sa isang chessboard o sa kahit anong patag na ibabaw na pwedeng markahan katulad ng isang checkerboard.
Ang layunin ng isang manlalaro upang manalo sa dama ay maubos ang checkers ng kalaban o magawa nyang pigilan ang paggalaw ng mga checkers nito.
Sinasabing nagmula ang laro ng checker sa Sinaunang Ehipto. Natagpuan ng mga arkeologo ang mga bakas nito sa isang ginawang paghuhukay sa Ur, Iraq at tinatayang nilalaro ito noong 1400 B.C. pa. Tinatawag ito noong alquerque at mayroon itong 5×5 bord o tablero na mayroong grid at mga guhit na diyagonal na naglalagos sa isa’t isa.
Sinasabi namang ang modernong checker o chess ay nagsimula noong ika-12 siglo sa largong ferses. Noong ika-16 na siglo, naging ‘dames’ ito at naging popular sa Pransiya. Nakarating ito sa Inglatera at Amerika at tinawag itong draughts. Mayroon ding natagpuang libro tungkol sa naturang laro sa Espanya at Inglatera.
Sa Pilipinas at Armenya, tinawag itong dama.
Nilalaro ito ng dalawang tao, bawat isa ay may 12 piraso ng pitsa na gawa sa kawayan, bato, o takip ng bote. Ang pitsa ay maaari lamang gumalaw nang padiyagonal sa interseksiyon ng mga linya sa bord, hindi nitó maaaring kainin ang pitsa na nasa likod nito, at kapag narating na ang dama o ang huling hilera ng bord sa bahagi ng kalaban, maaari na itong gumalaw nang padiyagonal sa mga hilera.
Tulad ng ahedres, natatapos ang laro kapag naubos na ang lahat ng pitsa ng kalaban.
Sa ibang bahagi ng Pilipinas, ginagamit mismo ang chess board at mga piyesa nito sa dama. Sa simula, ginagamit lamang ang pawn, knight, at rook. Kapag narating ng manlalaro ang dama stage ay saka niya magagamit ang piyesa ng king, queen, at bishop.
May paraan ng paglalaro nito na tinatawag na perdegana (mula sa Espanyol na perder ganar) na panalo ang unang maubusan ng pitsa. Sa Bisaya, tinatawag ang dama bilang pildi-dama na korupsiyon ng Espanyol na perder na ibig sabihin ay “matalo.”
Paraan kung paano laruin ang dama:
- Ang mga manlalaro ay nakaposisyon sa harap ng checkboard. May dalawang kulay ng checkers na kadalasan ay puti at itim. Bawat manlalaro ay pipili ng isang kulay nito at magkakaroon sila ng 12 checkers na ilalagay sa bawat itim na parisukat (square).
- Ang mga ilalagay na checkers ay nasa parisukat o square na hanay o row na malapit sa harap ng mga manlalaro. Kaya may dalawang hanay o row na blangko ang espasyo sa gitna ng checkboard.
- Sa Pilipinas kung saan nilalaro ang dama sa kanto o kaya sa loob ng bahay ay ginuguhit ito sa mga lamesa. Kaya kadalasan ay tansan ang ginagamit bilang checker. Ang tansan na nakataob ay ang puting checker at ang tansan na kita ang pangalan ng produkto kung saan ito galing ay ang itim na checker.
- Kadalasan na puti o may malinaw na kulay na checker ang nauunang tumira sa laro na susundan naman ng itim o may madilim na kulay.
- Hindi dapat makain o makuha ang mga checker ng bawat manlalaro. Nakakain o nakukuha ang checker kapag matatalunan ito ng checker nang pa-nonvertical o patagilid na kaliwa o kanan. Dapat walang harang sa pagtalon kung saan kakain ang checker.
- Maaaring kainin o kuhain nang sunod-sunod ng isang checker ang kalaban na checker basta matatalunan din ito nang sunod-sunod.
- Maaari ring harangin ang mga checker upang hindi ito makagalaw kaya may sumusuko sa laro.
- Paramihan ng mga makukuhang checker at kung sino ang mas maraming matitirang checker ang magwawagi. Kaya kadalasan inoorasan din ang paglalaro nito.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Larong Dama "