Sino si Jose Encarnacion Jr.?


Pambansang Alagad ng Agham, si Jose Encarnacion Jr. (Ho·sé Eng·kar·nas·yón) ay isang batikang teorista sa larangan ng ekonomiya at kinikilala hindi lamang sa Asia kundi sa buong daigdig.


Pinangunahan niya ang modernong pag-aaral ng ekonomiya sa pamamagitan ng kaniyang mga sulatin at bilang pinuno ng School of Economics ng Unibersidad ng Pilipinas. Sa mahigit dalawampung taon ng kaniyang paninilbihan sa naturang institusyon, naging balon ito ng mahahalagang kaalaman at teorya hinggil sa ekonomiya.


Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham (National Scientist) noong 1987.


Pinagtuunan ng pansin ni Encarnacion ang kahalagahan ng masusing pagaaral sa ekonomiya na nakabatay sa matibay na datos at malinaw na teorya. Ang dedikasyon niya sa siyentipikong imbestigasyon ay nagbunsod sa kaniya na magsulat ng mahigit 70 pananaliksik. Nalathala ang kaniyang mga akda sa mga internasyonal na publikasyon, kabilang ang “A Note on Lexicographical Preferences” (1964), “On Decisions Under Uncertainty” (1965), “On Independence Postulates Concerning Choice” (1966).


Noong 1992, nalathala pa ang kaniyang sanaysay na “Group Choice with Lexicographic Utility” sa European Journal of Political Economy. Isa siya sa mga mga namuno at nakibahagi sa pagsusulat ng bantog na White Paper na nalathala noong 1984. Matalim na sinuri ng pag-aaral na ito ang mga kahinaan at pang-aabuso ng diktadurang Marcos sa larangan ng ekonomiya.


Isinilang si Encarnacion noong 17 Nobyembre 1928 sa Maynila, at panganay na anak nina Jose Encarnacion Sr. at Teofila Concepcion. Ang kaniyang ama ay isang doktor sa medisina at dalubguro sa UP habang dentista naman ang kaniyang ina.


Natapos ni Encarnacion ang kaniyang batsilyer at master sa pilosopiya sa UP. Subalit noong huling bahagi ng dekada 50, nagpasiya siyáng mag-aral ng ekonomiya at kumuha ng doktorado sa Princeton University. Ipinagpatuloy niya ang pagtuturo sa UP pagbalik niya sa Filipinas.


Naging dekano siya ng School of Economics mula 1966 hanggang 1994. Nagsilbi rin siyáng tagapangulo o tagapayo ng iba’t ibang institusyong pang-ekonomiya sa Filipinas at ibang bansa. Ilang taon matapos magretiro sa UP, yumao siya noong 5 Hulyo 1998.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: