On
Ang Jollibee (Jó·li·bí) ang nangungunang paboritong makabago’t komersiyal na kainan sa Pilipinas. Isa ito sa mga kahanga-hangang tagumpay sa kasaysayan ng pagnenegosyo sa bansa dahil nagawa nitong makapamayani laban sa naglalakihan at sikat na mga dayuhang kainan sa loob at labas ng Filipinas. Pinangunahan din nito ang makabagong pagsusulong ng pagbibigay ng prangkisa sa industriya ng serbisyong pampagkain at nakapagbigay ng sigla at malaking kita sa ekonomiya ng bansa sa larangan ng serbisyo.


Itinayo ito ni Tony Tan Caktiong at ng kaniyang mga kapatid. Nagsimula ang kanilang negosyo noong 1975 bilang isang ice cream parlor sa Cubao at Quiapo. Ang “Cubao Ice Cream House,” na isang prangkisa mula sa Magnolia Ice Cream Parlor, ay nagsimulang magbenta ng hamburger at sinundan ito ng pagbebenta ng ispagheti. Ito ang naging unang restoran ng Jollibee. Ang orihinal na pangalan nito ay Jolly Bee at may logo ng bubuyog na may kulay berde, pulá, at itim na naglalarawan ng isang abalang weyter. Hanggang sa pinalitan ang Jolly Bee ng pangalang Jollibee.


Noong 1978, iningkorpora ng pamilyang Tan ang kanilang maliit na negosyo na ngayon ay kilala bilang Jollibee Foods Corporation (JFC). Tumatak ang kanilang islogan na “Langhap Sarap,” na nagtatampok sa kanilang mga produktong pagkain na tugma sa panlasang Pinoy. At noong 1980, ipinakilala ang sikat ngayong Jollibee maskot na isang malaking pulang bubuyog at ang pinakamabili nilang produkto na “chickenjoy.” Sinundan na ito ng pagbebenta ng iba pang pagkaing huling-húli ang panlasang Pinoy, katulad ng palabok, at pagdadagdag ng iba pang maskot noong 1981, tulad nina Mr.Yum, Popo, at Mico. Sinundan pa ito ng mga mascot na Hetty, Chickee, Champ, at Twirlie na ginagiliwan ng mga batàng parokyano ng Jollibee.


Ngayon ay may halos 400 restoran ang Jollibee sa loob at labas ng Filipinas at umaabot sa 40,000 ang bilang ng mga manggagawa nitó. Napasama ang Jollibee Foods Corporation noong 1987 sa 100 Nangungunang Korporasyon sa Filipinas sa pagbubukas nitó ng unang sangay ng restoran sa bansang Brunei.


Sa kasalukuyan, ang Jollibee Foods Corporation ang siya na ring nagmamay-ari sa mga sikat na restorang tulad ng Greenwich, Delifrance, Chowking, JB International, at Tony’s Teriyaki.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: