Hablon
Tradisyonal na ginagamit ang habing hablon sa mga produktong gaya ng may guhit parisukat na patadyong, bandana, at mga gamit sa bahay na kulumbo, kumot, at palamuti sa mesa.
Sinasabing isang matanda nang industriya ang paghabi sa ilang bayan ng Iloilo, lalo na sa Miag-ao. Bago matapos ang panahon ng Espanyol, tinatawag itong “habol” o “hinabol” at gawa sa anumang lokal na materyales. Ang paghahalo-halo ng makulay na himaymay at sinulid ay naganap noong mga taóng 1920 at naging bantog sa bansa sa panahong 1950-1970.
Sumikat ang hablon mulang Miag-ao, Oton, at ibang lugar sa Igbaras at Dueñas. Nagsimula itong humina noong mga taong 1980 dahil sa paglaganap ng mumurahin at likhang-makinang mga tela. Humanap ng ibang trabaho ang mga manghahabi at wala namang nagkainteres maghabi sa mga kabataan.
Sinisikap muli itong buhayin ng pamahalaan ng Iloilo at ng Kagawaran ng Turismo. Gumagamit ngayon ng higit na makulay na himaymay ang mga manghahabi at may mga fashion designer na lumilikha ng bagong pananamit gamit ang hablon. Isa ang talyer na Jaki Peñaloso, hindi kalayuan sa Robinsons Mall, Lungsod Iloilo, na nagtatanghal ng mga inobatibong disenyo upang maibalik ang pansin ng madla sa tunay at marikit na hábingkamay ng Iloilo.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Hablon "