Ang ermitanyo o ermitanya kung babae, ay isang tao na naninirahan sa isang pook na malayo sa anumang pamayanan upang mamuhay nang magisa.Kadalasang isa siyang asetĂ­ko o isang taong nagtatwa ng maraming materyal na bagay sa mundo upang marating ang mas espiritwal at pilosopikal na estado ng isip at katawan.


Ginugugol niya ang kaniyang panahon sa malalim na pag-iisip at tahimik na pamumuhay. May mga pangkating relihiyoso na gumaganyak sa gawaing ito at naglalaan ng tahanan o pook para sa pagninilay ng mga kasapi nang ganap nakahiwalay sa sangkatauhan.


Ngunit ang ermita o monasteryo na tawag sa ganitong pook para sa pagninilay ay ibang-iba sa naunang tahanang yungib o dampa sa kabundukan na tahanan noon ng mga ermitanyo.


Sa panitikan, huwaran ng buhay ermitanyo ang banal na wakas nina Barlaam at Josaphat. Iniwan ni Josaphat ang marangyang buhay bilang hari upang sumama sa kaniyang guro na si Barlaam sa kabundukan sa gitna ng disyerto. Maraming santo/santa ang may ganitong panata.


Malimit ding ilarawan sa panitikan ng kababalaghan ang ermitanyo na matandang may mahaba’t maputing buhok at balbas, nakatungkod, payat, ngunit may mahiwagang kapangyarihan. Nanggagamot siya ng sakit na hindi magamot, nanghuhula ng kapalaran, o nagbibigay ng pagsubok sa mga bayani.


Isang bantog na ermitanyo ang matanda sa koridong Ibong Adarna na sumubok sa kabutihan ni Prinsipe Juan, at dahil nakapasa ang bayani ay binigyan ng payo kung paano mahuhĂșli ang mahiwagang ibon.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr