Ano ang erehe?


Ang erehe (mula sa Espanyol na hereje) ay tao na may paniniwalang salungat sa laganap na doktrina, gaya ng isang Kristiyano ngunit salungat sa itinuturo ng Simbahang Katolika. Mula ito sa wikang Griyego na hairesis na nangangahulugang “pilì” at Latin na haeresis na nangangahulugang “kinabibilangang sektang pampilosopiya.”


Naging mahalagang kasulatan noong ikalawang siglo ang Contra Haereses ni St. Irenaeus na pinasinungalingan ang mga aral ng ibang grupo na taliwas sa Kristiyanismo. Ang Ingkisisyon ang institusyong nagsisiyasat at nagpaparusa sa mga erehe.


Nagsimula ito sa Pransiya noong ika-12 siglo at lumaganap sa iba pang bansa sa Europa, lalo na sa Espanya. Pinarurusahan ng anatema, ekskomulgasyon, o tortyur ang isang erehe.


Tungkol sa erehe at filibustero, dalawang mabigat na kasalanan sa panahon ng pananakop ng Espanyol, ang ikaapat na kabanata ng Noli Me Tangere (1887) ni Jose Rizal. Sa kabanatang ito, pinaratangang erehe at filibustero ang ama ni Crisostomo Ibarra na si Don Rafael Ibarra kaya siya ikinulong. Ang paratang ay nakabatay lámang sa pagtanggi niyang mangumpisal. Gayunman, alinsunod sa pagkukuwento ng kaibigang si Tenyente Guevarra, ang tunay na dahilan ng pag-usig kay Don Rafael ay ang lihim na galit sa kaniya ni Padre Damaso at ang paglaban para sa kapakanan ng mga Indio. Ginamit lamang sa gayon ang paratang na erehiya (o heresy sa Ingles) upang parusahan si Don Rafael at mamatay sa lumbay sa bilangguan.


Hinatulan din ng erehiya si Jose Rizal matapos ang kaniyang Noli at Fili kaya siya dinakip at binaril sa Bagumbayan. Muli itong lumitaw nang pinag-uusapan ang panukalang-batas na ipaturo ang buhay at sinulat ni Rizal. Matagal ang naging pagtatalo at naging aktibo ang ilang alagad ng Simbahang Katolika upang salungatin ito. Sa dulo at manaig ang Republic Act 1425 o Batas Rizal, nagkaroon ng probisyon para hindi ito maging obligatoryo sa mga paaralang pribado.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr