Ano ang dulang?

Sa isang matandang bokabularyo, may lahok na dulang at may pakahulugang “mesa baja en que comen.” Isa itong mababang mesa, may sapat na espasyo para sa isang munting pamilya, at ginagamit sa pagkain.


Mababang-mababa ang mga paa ng dulang kung ikokompara sa mga mesa ngayon kaya nakasalagmak sa sahig ang mga kumakain sa paligid nito. Yari ito sa tablang kahoy, at ikinaiba nito sa hapag, isang mesa na yari sa tinilad na kawayan.


Dahil maliit, limitado ang bilang ng maaaring magsalo-salo sa dulang. Mula sa pangyayaring ito ang kasabihang “mahabang dulang” na tumutukoy sa pagkakaroon ng isang mesa na di-karaniwan ang haba.


Nangangahulugan ito ng isang piging o salusalo ng maraming tao. Na sa wakas ang ibig sabihin ay isang malaking handaan kapag may kasal. Kaya ang laging tanong sa magkasintahan, “ O, kelan ang mahabang dulang?” Parinig iyon na hinihintay na nila ang handaan sa kasal.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: