Diwal
Kalimitang matatagpuan sa mga bayabayin ng timog-silangang Asia. Sa Filipinas, ito ay likas na namumuhay sa baybayin ng mga probinsiya ng Negros Occidental, Capiz, at Iloilo.
Ang diwal ay may kakayahang maghukay o bumutas ng putik, buhangin, o malalambot na bato sa lalim ng 0.3 metro o higit pa.
Maayos ang paglaki sa tubig na may temperatura na 28-30 antas sentigrado at alat na 30-35 ppt. Ang talukap ay pahaba, kulay gatas ang kaputian, walang bingaw sa unahang bahagi. Mayroong mahabang kambal na panghigop at may ugaling pinahahaba ang panghigop sa tuwing sumasala ng pagkain.
Ang hugis ng katawan ay pabilog at pahaba na patulis sa ibaba. Ibinabaon nito ang katawan sa putikan sa may lalim na 30 sentimetro para ito maprotektahan laban sa mga kaaway o maninila at makaiwas din sa masamang dulot ng paligid.
Ang bulbula sa harap at likod ay magkapantay. Ang pangkaraniwang haba ng talukap ay 6-13 sentimetro.
Ang diwal ay karaniwang ikinakalakal sa mga bansang Hong Kong, Malaysia, at Thailand. Ang laman ay masarap, malasa, at malambot.
Sa Pilipinas, ito ay itinuturing na isa sa pinakamahal na lamang dagat na ibinebenta. Dahil sa pagkasira ng likas na tirahan ng diwal at ang walang tigil na pangongolekta, madalî na itong nauubos. Upang mapanatili ang populasyon, iminungkahi ng mga mananaliksik na magtalaga ng mga panukala para protektahan ang likás na populasyon at ang pagtatayô ng mga pamisaan ng itlog para maparami ang diwal sa mga baybay.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Diwal "