Teodulo Topacio Jr.
Kinikilala si Teodulo Topacio Jr. (Te·ó·du·ló To·pás·yo) sa kaniyang mahahalagang pananaliksik sa sakit na leptospirosis.
Dahil sa kaniyang pag-aaral, nakumpirma ng mga dalubhasa ang pagkakaroon ng bakteryang leptospira sa Pilipinas at kung paano ito naisasalin mula sa mga alagang hayop tungo sa mga tao. Dahil sa kaniyang pagsisikap na masupil ang leptospirosis at mapaunlad ang industriya ng paghahayupan sa bansa, iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham noong 30 Abril 2009.
Ang leptospirosis ay isang uri ng impeksiyon na dulot ng bakteryang leptospira. Inaatake ng bakterya ang lamang-loob ng biktima at maaaring makamatay.
Sa mga alagang baboy, ang sakit na ito ay nagdudulot ng biglaang aborsiyon at pagkabaog ng mga bulugan. Natuklasan ni Topacio na maaaring painumin ng antibiyotiko ang mga apektadong hayop upang mapigilan ang mga komplikasyon at maiwasan ang impeksiyon.
Kilala ang husay ni Topacio sa larangan ng veterinary medicine. Naging tagapayo siya ng mga proyekto at programa ng World Health Organization, UN Food and Agriculture Organization, at Asian Development Bank sa larangan ng paghahayupan.
Nagturo siya sa Kolehiyo ng Beterinarya sa Unibersidad ng Pilipinas at nagsilibing dekano nito noong 1964-969. Malaki ang naitulong ni Topacio sa pagpigil ng Foot and Mouth Disease sa Pilipinas.
Pinangunahan niya rin ang pagbalangkas sa Philippine Animal Health Code, isang panuntunang batas na mangangalaga sa kalusugan ng mga hayop sa bansa.
Isinilang siya noong 30 Nobyembre 1924 sa Lungsod Maynila.
Nakapagtapos siya ng kursong Veterinary Medicine sa Unibersidad ng Pilipinas at naging ganap na beterinaryo noong 1951. Nag-aral siya sa Estados Unidos bilang isang iskolar ng US-AID noong 1955-1963. Nagsanay siya sa Cornell University at New York State Veterinary College at nagtapos ng master sa Siyensiya sa Michigan State University at doktorado sa Veterinary Medicine sa Purdue University.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Teodulo Topacio Jr. "