Ano ang taka?


Ang taka ay ang sining ng paglikha ng mga pigurin mula sa dinurog na papel. Tinatawag ding taka ang mga likhang tila manyika at anyo ng dalagang Filipina, kalabaw, manok, at iba pa.


Nagsisimula ang paglikha sa paggawa ng isang moldeng ukit sa kahoy ng pigurin. Pagkatapos, binabalutan ito ng dinurog na papel na ibinabad sa nilutong gawgaw o almirol.


Ang papel ay lumang diyaryo o anumang nagamit nang papel. Kaya papier mache (“dinurog na papel”) ang tawag ng mga Pranses sa prosesong ito. Pinatutuyo ang papel na nakabalot sa molde. Kapag natuyo, binibiyak ito upang alisin sa molde, pagdidikiting muli, patutuyuin, at saka pipintahan at lalagyan ng palamuti.


Saan nagmula ang Taka?


Ang sining-bayang ito ay popular na gawain ng komunidad sa Paete, Laguna. Sinasabing si Maria Bague, isang residente ng Paete, ang lumikha ng kauna-unahang taka noong 1920.


Naging maunlad ang paggawa ng taka noong panahon ng Amerikano dahil sa paglago ng industriya ng pahayagan. Naging higit na mabuting alternatibo ang taka sa kahoy bilang ukit.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr