Sino si Rafael Crame?


Si Rafael Crame ang unang Filipino na namuno ng kapulisan ng bansa, na tinatawag noong Philippine Constabulary (Hukbong Kostabularya ng Filipinas).


Ipinangalan sa kaniya ang Kampo Crame na nagsisilbing tahanan sa kasalukuyan ng Philippine National Police (PNP, Pambansang Pulisya ng Filipinas).


Pagkaraang magtapos sa akademya militar ng Espanya, naglingkod siya sa Negociado de Contrebucion Territorial bago pumasok bilang opisyal sa Administracion de Hacienda Publica.


Noong Himagsikang Filipino, naglingkod si Crame sa batalyon ng mga boluntaryong inorganisa ng hukbong Espanyol bilang private, corporal, at sarhento mula 1896 hanggang 1898. Tumaas siya hanggang ranggo ng kapitan. Nang binalasa ang kapulisan ng Maynila, isa siya sa sandosenang opisyal na nawalan ng trabaho; apat na kapitan lamang ang itinira ng pamahalaang kolonyal.


Nang binuo ng mga Amerikano ang Philippine Constabulary (PC) noong 1902, inanyayahan ng isang Kapitan Alkinson si Crame na sumapi. Nagsimula siya sa ranggong fourth-class inspector ngunit mabilis na umakyat bilang tenyente noong 1903, kapitan noong 1905, tenyente koronel at katuwang na direktor noong 1907, at ganap na koronel at katuwang na pinunò noong 1914.


Noong Disyembre 1917, gumawa si Crame nang kasaysayan nang hirangin siya bilang pinuno ng kostabularya. Nagkamit din siya ng ranggong brigadier general.


Nakilala si Crame sa buong bansa dahil sa kaniyang mahusay na pamumuno ng PC. Isa sa mga nagpatingkad ng kaniyang karera bilang lider ng pulisya ay ang matagumpay na kampanya laban sa mga samahang kriminal sa mga lalawigan at tulong sa pagsupil ng isang pag-aaklas sa Maynila noong 1921.


Isinilang siya sa Malabon noong 2 Oktubre 1863 kina Rafael Ma. de Crame y Gonzales Calderon, isang opisyal sa artileriya ng hukbong Espanyol sa Filipinas, at Maria Perez de Tagle.


Pumasok siya sa Ateneo Municipal de Manila bago mag-aral sa akademya militar ng Espanya mula 1879 hanggang 1881. Tatlong beses siyang nagpakasal.


Pumanaw siya noong 1 Enero 1927 at inilibing sa Sementeryong La Loma sa Maynila. Noong 1935, bumili ang pamahalaan ng lupa sa New Manila Heights (na magiging bahagi ng Lungsod Quezon sa hinaharap), at pagkaraan ng ilang taon ay naging tahanan ito ng mga gusali at pasilidad ng mga sangay ng hukbong sandatahan ng Pilipinas.


Isa sa mga sangay nito ang dating Philippine Constabulary. Ang lupain ang nagsilbing pook ng kasalukuyang Kampo Aguinaldo (dating Kampo Murphy) at Kampo Crame, na siyáng ipinangalan bilang pagkilála sa unang Filipinong namuno ng kapulisan.


Noong 2003, inilipat ang kaniyang mga labí mula sa La Loma at inilagak sa Libingan ng mga Bayani sa Lungsod Taguig.


Pinagmulan: NCCA Official