Noong unang panahon, sang-ayon sa alamat ng paglikha ng mga Tagalog, may langit lámang at may dagat. At may isang ibong lilipad-lipad. Isang araw, napagod ang ibon sa kalilipad ngunit wala itong mapagpahingahan. Nag-isip ito ng paraan. Pinagálit nitó ang dagat at umalon ito ng pagkataas-taas hanggang langit. Nagálit ang langit at naghagis ng mga bato sa dagat. Nagkaroon ng lupa at ito ang dinapuan ng ibon.


Nagmahalan ang simoy dagat at simoy lupa at nanganak ng isang piraso ng kawayan. Bumagsak ang kawayan sa dagat at tinangay ng alon sa dalampasigang pinamamahingahan ng ibon. Nagálit ang ibon nang matumbok ng kawayan ang paa nitó at tinuka nang tinuka ang kawayan. Mula sa isang biyas ng kawayan ay lumabas si Malakás, ang unang lalaki. Mula sa ikalawang biyas ay lumabas si Magandá, ang unang babae.


Sina Malakas at Maganda ang unang mga tao sa daigdig. Silá ang saksi sa pagsilang ng mga halaman at punongkahoy, pagtaas ng mga gulod at bundok, at pagdami ng mga hayop at isda. Tinamasa nilá ang kagandahan ng kalikasan. Binigyan nila ng pangalan ang mga hayop, isda, at halaman. Nang lumaon, tinawag ng lindol ang lahat at tinanong kung dapat maging mag-asawa sina Malakas at Maganda. Sumang-ayon ang lahat. Ikinasal ng liwanag at simoy ang dalawa at nagkaroon ng maraming anak.


Nagpunta sa iba’t ibang dako ang mga anak nina Malakas at Maganda. Sa kanila nagmula ang mga lahi ng sangkatauhan.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr