Camp John Hay
Ang Camp John Hay (Kamp Jan Hey) ay isang 690-ektaryang kampo sa Lungsod Baguio sa kabundukang Cordillera.
Itinayo ito ng mga Amerikano noong 1903 bilang pahingahan at pook-libangan ng kanilang mga sundalo at empleado.
Sa kasalukuyan, popular ang kampo sa mga turistang gustong maranasan ang malamig na klima at mga punòng pino ng tinaguriang “Summer Capital” ng bansa; matatagpuan dito ang isang golf course at ilang pamilihan, kainan, bulwagang-pulungan, hardin, at hotel.
Itinatag ni Theodore Roosevelt, pangulo ng Estados Unidos, ang John Hay Air Station (o John Hay Air Base) bilang military reservation ng Amerika. Ipinangalan ito sa kaniyang Kalihim ng Estado, si John Milton Hay.
Kabilang sa mga itinayong gusali ang tahanan ng Gobernador-Heneral ng Filipinas para sa tag-init, na kilala ngayon bilang The American Residence, ang tirahan ng embahador ng Amerika sa Filipinas.
Binomba ng mga Hapon ang kampo sa pagbubukas ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ginamit din nila ito bilang piitan ng mga sundalo at sibilyan; ginamit naman ni Heneral Tomoyuki Yamashita ang American Residence bilang headquarters at opisyal ng tirahan.
Pinalaya ng mga Filipino at Amerikano ang kampo noong 1945, at sumuko si Yamashita kay Heneral Jonathan Wainwright sa American Residence.
Sa pagwawakas ng RP-US Bases Agreement, isinuko ng Estados Unidos ang kampo sa pamahalaan ng Filipinas noong 1991. Nauna itong pinangasiwaan ng Philippine Tourism Authority bago ibinigay sa Bases Conversion Development Authority (BCDA).
Sa kasalukyan, pinatatakbo ang kampo ng isang pribadong kompanya sa pahintulot ng BCDA, ngunit nananatili sa kamay ng pamahalaan ng Filipinas ang ilang bahagi ng lupain.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
No Comment to " Camp John Hay "