Ano ang abaloryo?


Ang abaloryo (na mula sa salitang Espanyol) ay isang maliit at bilugang butil na babasagin at karaniwang ginagamit bilang palamuti. May butas ito sa gitna at tinutuhog o pinagsasáma-sáma upang makabuo ng isang bagay, tulad ng kuwintas, pulseras, at hikaw, o kayâ ay pandekorasyon sa mga bagay na tulad ng bag at damit.


Madalas na gawa sa salamin ang mga abaloryo ngunit maaari ring yari sa ginto, kristal, pilak, bato, at hiyas. Tinatawag din itong batek,butil, lusok, at manik, at madalas na isinasaling bead sa Ingles.


Matagal nang ginagamit ang mga abaloryo ng mga Filipino. May panahong ginagamit na tila abaloryo ang iba’t ibang uri ng kabibe, gaya ng natagpuan sa mga yungib sa Cagayan, Palawan, at Sorsogon.


Ang kabibeng kabya ay tinutuhog matapos butasin sa gitna. Sa mga kasuotan naman ng mga pangkating etniko sa Filipinas, karaniwang ginagamit ang mga abaloryo bilang bahagi ng mga kasuotan sa ulo, kuwintas, hikaw, at iba pa.


Sa pamamagitan ng pagsasáma-sáma at pag-aayos ng mga abaloryo, nakabubuo ang mga ito ng sari-sari at makukulay na disenyo at padron.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: