Singkaban
May palatandaan na isang sinaunang kaugalian ang paggawa ng singkaban kapag may pagdiriwang. Ang kaugaliang ito ang ipinagpatuloy sa pone o puni (mula sa Espanyol na componer) ang dekorasyong arkong kawayan o pinilipit na kamuning na tinutusukan ng mga bulaklak, at ipinupuwesto sa pintuan at altar ng bisita’t simbahan kung pista at Kuwaresma.
Isang malaking pagbabago ang paggawa ng singkaban bilang malaking arkong gawa sa kawayan na ipinupuwesto sa lansangan o sa bungad ng patyo ng simbahan kung may pagdiriwang.
Binanggit ni Rizal sa Noli me tangere ang ganitong palamuting singkaban bilang isang kaugalian sa pista ng San Diego. Bahagi na ito noon sa gayak ng mga pista, kasal, at malaking pagtitipon sa maraming pook sa Filipinas.
Nakunan ng retrato ang singkaban na itinayo sa harap ng Casa Real sa inaugurasyon ng Unang Republika ng Filipinas sa Malolos noong 21 Enero 1899. Gawa ito sa kawayan, kahoy, at pinintahang tela upang magmukhang pader na tisa, mistulang isang arc d’triumph o arko ng tagumpay, para sa pumaradang hukbo at lider ng Kongreso sa pangunguna ni Pangulong Emilio Aguinaldo.
Nangunguna ngayon ang Bulacan sa pag-iingat ng sining ng singkaban. Bukod sa paligsahan sa tradisyonal na kinayas na kawayan, may nageeksperimento din sa paggamit ng puno ng saging at ibang materyales.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Singkaban "