Isa sa mga pangunahing pulong bakasyunan sa Pilipinas ang Boracay (Bo·rĂ¡·kay) lalo na kung panahon ng tag-init. Sakop ito ng Aklan at nasa dulong hilagang-kanluran ng Panay.


Ang baybayin nito, na may mga pinong puting buhangin, ay umaabot sa mahigit pitong kilometro. May 115 kilometro ang layo nito sa Kalibo. Binubuo ito ng tatlong barangay ng Manoc-Manoc, Balabag, at Yapak, na bahagi ng bayan ng Malay.


Mararating ang pulo mula sa Caticlan, na isa ring barangay ng Malay, sa pamamagitan ng pagsakay sa mga bangkang de-motor. Isa ito sa mga sikat at paboritong pasyalan ng mga turista dahil sa malinis nitong dalampasigan, mapuputing buhangin, at maraming makikitang isda at lamandagat.


Kinilala na ang pulong Boracay bilang isa sa mga pinakamagandang baybayin sa buong mundo at maraming mga dayuhan ang bumibisita dito. Dahil dito, malaki ang naging ambag ng pulo ng Boracay sa pag-angat ng industriya ng turismo sa Aklan at sa bansa.


May dalawang pangunahing baybayin sa pulo na popular sa mga bakasyunista, ang White Beach at ang Bulabog Beach. Ang White Beach ang pangunahing baybaying panturismo. Halos apat na kilometro ang haba nito at maraming establisimyento tulad ng mga hotel, restoran, at iba pang negosyong panturismo. Nasa kabilang baybayin naman nito ang Bulabog Beach, pangalawang sikat na puntahan ng mga bakasyonista lalo na ng mga windsurfer. Bukod dito, marami pang ibang maliliit na baybayin ang isla.


Bago naging isang sikat na bakasyunan ang Boracay, ang komunidad nito ay payak lamang. Pangingisda at pagtatanim ng niyog ang pangunahing hanapbuhay. Ang orihinal na naninirahan dito ay ang mga Ati ngunit nahaluan ng mga tao mula sa iba’t ibang panig ng bansa dulot ng pandarayuhan.


Sa pagitan ng 1960 at 1970, naging puntahan ito ng mga taga-Panay. Ngunit noong 1978, nang mabanggit at mailarawan ng isang manunulat na Aleman ang Boracay sa kaniyang aklat hinggil sa Pilipinas, naging interesado sa isla ang buong mundo at nagsimula nang puntahan ng mga turista.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: