Ang Gota de Leche (Gó•ta de Lét•se) ang gusaling pagmamay-ari ng La Proteccion de la Infancia, Inc., (LPI) ang unang non-governmental organization (NGO) na naitatag noong 1905 sa pangunguna ng pilantropong si Teodoro Yangco at ng Associacion Feminista Filipina.


Layon ng LPI ang tugunan ang problema ng kalusugan, partikular ang malnutrisyon sa mga ina at bata.


Dahil sa paglawak ng operasyon ng LPI, kinailangang ilipat ito ng lugar mula sa Quiapo papunta sa loteng pagmamay-ari ni Yangco sa Sampaloc. Napunta sa magkapatid na arkitektong sina Arcadio at Juan Arellano ang paggawa ng bagong gusali nito.


Sinimulan ang proyekto ng pagpapatayo noong 1914. Hinango ng makapatid na Arellano ang disenyo mula sa isang bahay-ampunan na mayroong arkitekturang Renaissance, ang Ospedale degli Innocenti o Hospital of the Innocents na gawa ni Filippo Brunelleschi sa Ferenzi, Italya.


Natapos ito noong 1917 ng mga Arellano at tinawag na Gota de Leche o “Patak ng Gatas.” Ito ang nagging sentro na nagpapainom ng gatas sa mga bata mula sa mahihirap na pamilya.


Noong 2002, sumailalim sa isang rekonstruksyon ang Gota de Leche. At noong 2003, ginawaran ito ng UNESCO Asia Pacific ng Heritage Award for Culture Heritage Conservation.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: