Golpo
On Pamumuhay
Ang golpo ay isang malaking look, o tubigang hindi ganap na naliligiran ng dagat at may bungad na pinapasukan o nilalabasan ng tubig buhat sa katabing karagatan. Karaniwang matatagpuan sa baybayin ng isang golpo ang mga pantalan.
Bilang kapuluang may mahabang baybayin, ang Filipinas ay may ilang pangunahing golpo:
- Golpong Albay, sa rehiyong Bikol; pangunahing pantalan sa Lungsod Legazpi;
- Golpong Davao, sa rehiyong Davao; pangunahing pantalan sa Lungsod Davao;
- Golpong Lagonoy, sa rehiyong Bikol;
- Golpong Leyte, sa rehiyong Silangang Kabisayaan; pangunahing pantalan sa Lungsod Tacloban;
- Golpong Lingayen, sa rehiyong Ilocos; mga pangunahing pantalan sa mga lungsod ng Dagupan at San Fernando;
- Golpong Moro, sa kanlurang Mindanao; mga pangunahing pantalan sa mga lungsod ng Zamboanga at Cotabato;
- Golpong Panay, sa rehiyong Kanlurang Kabisayaan; pangunahing pantalan sa Lungsod Iloilo; at
- Golpong Ragay, sa gitna ng Tangway Bondoc at Tangway Bicol.
Hindi naman maituturing na golpo ang may mas maliliit na bungad, tulad ng Look Maynila at Look Subic.
Dahil sa mga pantalan at baybaying mainam daungan ng barko, hindi nakapagtatakang mahalaga ang mga ito sa panahon ng digmaan. Halimbawa nito ang pagdaong ng mga puwersang mapagpalaya ng Amerikano sa mga golpo ng Leyte at Lingayan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Golpo "