Ang gayuma ay kapuwa tumutukoy sa kapangyarihang mang-akit o magpaibig sa isang tao at sa anumang bagay na ginagamit para makapagpaibig.


Pinaniniwalaang nakakamit ang kapangyarihang ito sa pamamagitan ng mga inumin o pagkaing hinaluan ng mga yerba o iba pang bahagi ng halaman, punongkahoy, at maging hayop, na pinaiinom o pinakakain sa toong nais na akitin.


Bukod dito, nakapanggagayuma rin ang pagsasagawa ng ritwal at orasyon gamit ang isang retrato ng taong nais na akitin. Dahil sa ang gayuma ay kinasasangkutan ng kapangyarihang nakatuon sa ibang tao, marami ang naniniwalang isa itong anyo ng pangkukulam, kung hindi ma’y kathang-isip lamang.


Ayon sa mga siyentista, ang inaakalang bisa ng gayuma ay maipapaliwanag sa pamamagitan ng mga susing sangkap nito. Napatunayan nang may mga naidudulot na pagbabagong kemikal sa katawan ng tao na dulot ng partikular na pheromone o amoy gaya ng sa pawis ng tao o kaya naman ay sanhi ng tiyak na elemento sa pagkaing gaya ng tsokolate, talaba, at paminta.


Masama man o mabuti, maaaring ituring ang gayuma bilang anyo ng pagpapahalaga ng mga Filipino sa pag-ibig at pakikipag-ugnayan sa kapuwa tao. Tinatawag din itong lumay sa Sebwano, panagayat at dika sa Pangasinan, salindugok sa Hiligaynon, lemay sa Maranaw, at amayat sa Ibanag.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: