On
Noong 13 Hunyo 1946, itinatag ng Amerikanong inhinyero na si James Lindenberg ang Bolinao Electronics Corporation (BEC), isang kompanya na gumagawa at bumubuo ng mga kasangkapan para sa radio transmission.


Noon taong 1949, lumapit si Lindenberg sa Kongreso ng Filipinas upang hingin ang pahintulot na magtatag at magpatakbo ng isang himpilan ng telebisyon. At noong 14 Hunyo 1950, naaprobahan ang kaniyang kahilingan sa pamamagitan ng Republic Act No. 511 at 512, na nakasaad ang mga responsabilidad sa publiko ng isang himpilan ng telebisyon, tulad ng pagpapalaganap ng makabuluhang kaalaman lalo na sa mahahalagang isyung pampubliko.


Ngunit dahil sa kakulangan sa materyales at mahigpit na patakaran sa pag-aangkat ng mga dayuhang produkto, itinuon na lamang ng BEC ang atensiyon sa pagsasahimpapawid sa radyo.


Taong 1952 nang binili ni Antonio Quirino, na naghahangad ding magtatag ng isang himpilan ng telebisyon, ang malaking porsiyento ng BEC at pinalitan ang pangalan nito bilang Alto Broadcasting System (ABS). Si Lindenberg ang naging punong tagapamahala ng himpilan.


Noong 23 Oktubre 1953, ang DZAQ-TV 3 sa ilalim ng pamunuan ng ABS ay unang sumahimpapawid at ipinakilala bilang ang kauna-unahang himpilan ng telebisyon sa bansa. Kaya namang itinuturing ang BEC bilang pinagugatan ng television broadcasting sa Filipinas at si Lindenberg bilang ama ng Telebisyong Filipino.


Noong 1958, ang ABS ay nabili nina Eugenio Lopez, Sr. at ang noo’y pangalawang pangulo na si Fernando Lopez na siyang may-ari ng Chronicle Broadcasting Network (CBN), isang radio network).


Paglipas ng ilang taon, pormal na pinagsanib ang dalawang korporasyon at tinawag na ABS-CBN Broadcasting Corporation. Sa kasalukuyan, ang ABS-CBN ang isa sa mga kilala at nangungunang kompanya sa larangan ng midya sa bansa.


Pinagmulan: NCCA official | Flickr


Mungkahing Basahin: