Bayanihan Philippine National Folk Dance Company
Tumanggap na ito ng maraming gawad at gantimpala sa loob at labas ng bansa. Patuloy naman nitong dinadagdagan ang mga itinatanghal na katutubong sayaw na Filipino, kaya isang kritiko ang nagwikang “deposito ito halos lahat ng mga sayaw, kasuotan, at awiting Filipino.”
Ang kompanya ay itinatag noong 1957 ni Helena Z. Benitez bilang Bayanihan Philippine Dance Company, isang pangkat ng mananayaw na estudyante sa Philippine Women’s University (PWU), at dumalo noong 27 Mayo 1958 sa Expo ’58 sa Brussels World Fair bilang sagot sa kahilingan ni Pangulong Ramon Magsaysay.
Hinango ang pangalan sa “bayanihan,” isang sinaunang kaugalian ng pagtutulungan para sa isang mabuting gawain sa mga komunidad ng Filipinas. Matagumpay ang naturang pagtanghal at dinumog ang kompanya ng kabi-kabilang imbitasyon. Mula noon, nakapaglibot na ito sa Afrika, Asia, Australia, Europa, at Estados Unidos at nagpalabas sa 66 bansa at 700 lungsod.
Bilang parangal sa tagumpay na ibinigay ng kompanya sa bansa, ipinasiya ng ika-10 Kongreso ng Pilipinas ang R.A. 8626 na nagdedeklara sa kompanya bilang “National Folk Dance Company” at nagtatakda ng kaukulang pondo para sa patuloy na pagtatanghal nito.
Binigyan din ito ng Ramon Magsaysay Award para sa Pagkakaunawaang Pandaigdig sa pamamagitan ng sayaw na katutubo. Dalawa nang Pambansang Alagad ng Sining, sina Lucrecia Reyes-Urtula at Lucrecia R. Kasilag, ang naglingkod sa kompanya bago nabigyan ng kanilang gawad.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Bayanihan Philippine National Folk Dance Company "